Kabataan party-list sa pagpasa ng mandatory ROTC bill: “Hindi pinakinggan ang mga estudyante”

Imahe mula sa Jamil Santos Twitter Account

Binatikos ng Kabataan party-list ang House of Representatives Committee on Basic Education and Culture dahil sa pagpasa nito ng substitute bill para sa mandatory Reserve Officers Training Corps (ROTC) para sa high schools students.

Ayon sa ulat ng GMA, sinabi ng grupo na hindi sila pinahintulutang makapagsalita habang isinasagawa ang committee meetings.

Sa mungkahing batas ay mandatory ang  ROTC sa Grades 11 at 12, kung saan ang sinumang mag-aaral na hindi pumasa ay hindi makaga-graduate.

“Ito po ay sumalang sa komite nang walang deliberation, hindi po pinakinggan ang mga estudyante, ni hindi man lang pinagsalita. Wala pang limang minuto tumagal ang pagpasa ng substitute bill na ngayon ay House bill 8961 na,” ayon kay Kabataan Representative Sarah Elago sa ginanap na forum sa Commission on Human Rights office sa Quezon City.

Wika ni Elago, hindi kinonsidera ng House panel ang naging pag-aaral sa naging kasaysayan ng ROTC sa ban tulad ng pang-aabuso at korapsyon.

“Kaya kinukundena ng Kabataan ang ginawang negligence at inaction na ito ng komite pagdating sa panawagan na tugunan ang pagtatanggol ng karapatan sa loob ng mga eskuwelahan,” ani Elago.

“Malinaw na ang kailangan po sa mga eskuwelahan ngayon, matugunan ‘yung matagal nang panawagan ng dagdag na libro, dagdag na classroom, dagdag na sahod sa mga guro at hindi dagdag na militarisasyon. Education, not militarization in our schools,” dagdag pa nito.

Magugunitang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte noong isang taon na mandatory na ROTC sa mga mag-aaral ng Grade 11 at 12.

Enacted noong 2002 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo; ang Republic Act 9163 o ang National Service Training Program (NSTP) Act ay naglalayong  gawing optional at boluntaryo ang ROTC sa mga mag-aaral sa kolehiyo.

Ang ROTC ay naging isa sa tatlong components ng  NSTP. Ang dalawa’y tinawag na Literacy Training Services at Civil Welfare Training Service.

Sinabi rin ni Duterte na ang pagbalik ng ROTC  ay kapaki-pakinabang sa mga kabataang Filipino.

Imahe mula sa Failon Ngayon via You Tube

Ang mga student youth leaders mula sa National Union of Students of the Philippines at League of Filipino Students ay dumalo sa naturang forum upang ihayag ang kanilang pagtutol sa mandatory ROTC dahil sa mga naging insidente ng hazing at paglabag sa karapatang pantao.

Source :

GMA, Twitter, GMA