EDSA lane na eksklusibo para sa mga motorsiko, pinag-aaralan ng MMDA




Imahe mula sa MMDA

Pinag-aaralan ngayon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang posibilidad na magkaroon ng sariling lane sa EDSA ang mga motorsiklo.

Ito ay kung sakaling matuloy ang road diet proposal o ang pagpapakitid ng mga lane sa EDSA. Sa ngayon, ang motorcycle lane na makikilala sa kulay asul nitong guhit ay ginagamit din ng mga motoristang gumagamit ng pribadong sasakyan.

Imahe mula sa Facebook page ng MMDA

Sa pahayag ni MMDA general manager Jojo Garcia sa isinagawang press briefing kasunod ng pagpupulong ng Metro Manila Council, sinabi niya na mananatiling ligtas para sa mga motorsita ang pinakitid na kalsada.

Aniya, kapag kumitid na ang bawat lane sa EDSA – 3.05 meters na lang mula sa dating 3.5-3.7 meters kada lane – ay makagagawa ng isa pang lane na ipagagamit para lang sa mga motorsiklo.

Sa ilalim ng road diet plan ang EDSA ay mahahati sa anim na lanes – dalawa para sa public utility buses, isa para sa motorsiklo at tatlo para sa mga pribadong sasakyan. Ang motorcycle lane ay magiging katabi ng yellow bus lane, ayon pa sa MMDA.

Imahe kuha mula sa video ng GMA

Ang iba pang ideya na kinukunsidera sa road diet proposal, bukod sa pagdagdag ng isa pang lane, ay ang pagkakaroon ng mas malapad na sidewalk, bicycle lane at pedestrian island.

Ayon sa PTV News, magtatalaga ang MMDA ng isang technical working group upang magsagawa ng pag-aaral sa nararapat na speed ng mga sasakyan para sa pinakitid na kalsada.

Ang road diet proposal ng MMDA ay ibinatay sa pag-aaral na ginawa ng World Resources Institute noong taong 2016. Base sa nasabing pag-aaral, napag-alaman na mas kakaunti ang mga aksidente sa mga kalsadang makikitid.

Ang Amsterdam, Tokyo at Paris ang ilan lang sa mga siyudad na mayroong makikitid na kalsada na mayroong lapad na 2.8 meters hanggang 3.25 meters.