Chito Miranda ng Parokya ni Edgar, ibinahagi kung paano naging matagumpay na negosyante ang misis




Imahe mula sa Instagram account ni Chito Miranda

Bago naging successful entrepreneur ang asawa ni Chito Miranda na si Neri Naig ay una siyang naging artista.

Ibinahagi ni Chito, ang bokalista ng bandang Parokya ni Edgar, sa kanyang Instagram account kung paano nakamit ni Neri ang tagumpay bilang isang negosyante.

Noong una silang magkakilala, sinabi ni Chito na walang naiipong pera si Neri dahil ang kaunti nitong kinikita sa pag-aartista ay napupunta lahat sa hinuhulugang condominium unit. Ibinida ng mahusay na bokalista na noong ikasal at magsama na silang dalawa ay hindi ito humihingi ng pera sa kanya .

Imahe mula sa Instagram account ni Chito MIranda

Aniya, tinawag niyang “wais na misis” si Neri dahil masinop ito sa pera at kung bumili ng mga damit ay sa ukay-ukay o thrift store lang. At ang lahat ng maaaring pagkakitaan ay pinag-iisipan daw ni Neri kung paano palalaguin.

Ayon pa kay Chito, ang ipinuhunan ni Neri sa negosyong gourmet tuyo ay ang napagbentahan niya ng mga pinaglumaang damit. Nagsimula lang siya sa 60 bottles at nakisabay kay Chito na nagbebenta noon ng mga t-shirts ng Parokya ni Edgar sa isang bazaar.

Imahe mula sa Instagram account ni Neri Naig Miranda

Ngayon, si Neri ay mayroon nang sariling restaurant sa Alfonso, Cavite – ang Neri’s Not So Secret Garden.  Napapailing na lang daw si Chito sa sobrang bilib sa asawa.

Isang linggo pa lang nang buksan ang nasabing restaurant. Nasa soft opening stage pa lang, pero dinagsa na iyon ng mga tao.

Imahe mula sa Instagram account ni Chito Miranda

Noong una ay hindi raw pabor si Chito na mag-operate na ang restaurant. Dapat daw na sumangguni muna sa isang consultant dahil walang karanasan sa pagpapatakbo ng restaurant ang asawa. Subalit sa soft opening ng kainan ay nakita niyang kaya ni Neri at ng mga staff niya na patakbuhin ang negosyo.

“Don’t pray for success and money. Pray for the strength, the humility, the discipline, and the determination to do what needs to be done in order to succeed. Dream. Believe. Surv…este, WORK HARD,” post ni Chito sa Instagram bilang payo sa mga nagnanais ding magkamit ng tagumpay.