Chinese student na nagsaboy ng taho sa pulis, balik kulungan




Imahe mula sa PAu Mesias Facebook account/You Tube Screenshot

Muling dinampot ang 23-anyos na si Zhang Jiale, makaraang sunduin ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Mandaluyong City Police Station.

Ayon sa ulat ng ABS CBN, sinabi ni Atty. Sandra Respall, legal counsel ni Zhang, Martes, na dakong ika-8 ng gabi nang umano’y sapilitang isinama ang banyaga mula sa istasyon.

Ang pagdampot ng BI kay Zhang ay dahil napatunayan umano na ilegal ang pamamalagi nito sa bansa, batay sa mission order ng ahensiya.

Pilit pa rin umanong pinasama si Zhang ng mga tauhan ng BI kahit valid ang passport at residence visa na ipinakita ng banyaga.

Saad pa ni Respall, hindi siya pinasama sa kanyang kliyente at walang ibinigay na kopya ng mission order ang BI.

Nagtungo ang kanilang kampo sa tanggapan ng BI sa Intramuros, Maynila ngunit wala roon si Zhang. Diumano’y dinala ang banyaga sa Bicutan jail.

Matatandaang  pilit umanong ipinapasok ng banyaga  sa loob ng istasyon ng train ang iniinom na taho kahit pa nagpakita ng kasulatan si Police Officer 1 William Cristobal kaugnay sa pag-iral ng “No Liquid Policy” sa MRT.

Imahe mula sa Pau Mesias Facebook account

Si Zhang ay kinasuhan ng direct assault, disobedience to person in authority, at unjust vexation. Dinala  ang banyaga sa Mandaluyong Police Community Precinct 5 malapit sa Boni MRT station matapos ang insidente.

Imahe mula sa Twitter Account ni Teddy Locsin/Facebook ni Pau Mesias

Inirekomenda naman ni Mandaluyong City police chief Senior Supt. Moises Villaceran Jr., sa Bureau of Immigration na ideklarang  “undesirable alien” at i-deport ang banyaga.

Nakapagpiyansa si Zhang ng P12,000 at nakalaya pansamantala.

Dahil sa umano’y paghuli nang walang warrant  ng BI, dinepensahan ni Respall ang banyaga na nangyari lamang ang insidente dahil sinabihan umano ito ng pulis na: “You Chinese are not welcome in the Philippines.”

Pinag-aaralan na ng kampo ni Zhang ang pagsasampa ng kaso sa sinasabing paghuli nang walang warrant na naganap.

Samantala, iInirekomenda na ng BI ang paghain ng deportation case laban sa banyaga.

Nanindigan naman si BI spokesperson Dana Sandoval na may sapat na batayan ang ahensiya upang ipa-deport ang dayuhan.

Ayon naman kay Commissioner Jaime Morente, ang ipinakitang pagsuway at kayabangan ni Zhang ay hindi nila palalampasin.

Bago nito nauna nang nagpahayag ng pagsisisi si Zhang sa kanyang inasal; dahil aniya siya’y bad mood noon kung kaya’t hindi siya nakapagpigil.

Tutol naman si  Foreign Affairs Secretary Teddy Locsin na ipa-deport si Zhang makalipas ang insidente.

Panooring ang ulat na ito ng ABS CBN para sa iba pang detalye: