Bouquet na gawa sa gulay na pangregalo sa Valentine’s Day puwedeng kainin




Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Malapit na ang Valentine’s Day kaya naman ang mga bulaklak na karaniwang ipinangreregalo sa tuwing sasapit ang araw ng mga puso ay nagkaroon na ng pagtaas ng presyo.

Bagama’t nagmahal na ang mga bulaklak ay dinarayo pa rin ang Dangwa Flower Market sa Laong Laan sa Sampaloc, Maynila.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Ang presyo ng local red roses noong nakaraang linggo ay P450 kada dosena at P800 naman kapag may arrangement ito. Pero ngayong ilang araw na lang ay Valentine’’s Day na, ang presyo ng bulaklak na ito ay umabot na sa P600 kada dosena at P1,200 naman kapag may flower arrangement na gagawin.

Higit na mas mataas ang presyo ng mga imported flowers gaya ng Ecuadorian Roses na P1,500 ang anim na piraso at P1,800 anim na stem na may arrangement at ang Holland Roses na P180 kada stem at P2,000 kapag may kasamang arrangement.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Ang bulaklak at tsokolate ay pangkaraniwan nang ipinangreregalo sa espesyal na araw na ito, subalit kung nais mo ng kakaiba ay maaari kang pumasyal sa Baguio City.

Ayon sa ABS-CBN, isang florist sa Baguio City ang gumagawa ng kakaibang bouquet.

Ang kanyang obra ay gawa sa iba’t ibang gulay. Bukod sa maaaring i-display ay puwede ring kainin ang gulay bouquet.

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Kinilala ang florist na gumagawa ng kakaibang bouquet bilang si Antonio Paulite.

Ang gulay bouquet niya ay gawa sa sibuyas, cauliflower, mga dahon ng sayote, dahon ng saging, bulaklak ng katuray at kalabasa. Nagkakahalaga lang iyon ng P700.

Ani Paulete, ganoon ang gusto niyang “style” at ginagawa niya ang mga iyon para maiba namang ang “gimik.”

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Gumagawa rin siya ng bouquet na gawa sa laruang pera o play money. Nagkakahalaga naman iyon ng P1, 500.