25 years extension ng telecom franchise ng INC, inaprubahan ni Duterte




Public domain

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na mag-e-extend ng telecommunications franchise ng Iglesia ni Cristo ng 25 taon.

Ayon sa ulat ng GMA, inaprubahan ng Pangulo ang Republic Act 11219 nitong Pebrero 14 at isinapubliko lamang nitong Pebrero 19.

Pinapayagan ng prangkisa ang INC na magtayo, magtatag, mag-install, magmintine, umupa, mamili, at magpatakbo ng isang private telecommunications o electronic communications services sa Pilipinas at sa ibang bansa at teritoryo; kabilang ang outer space (as  public interest may warrant), para sa domestic at international telecommunications.

Public Domain

Nilagdaan na rin ni Duterte ang RA 11204 noong Pebrero 14 na magbibigay ng franchise extension ng 25 taon sa Ermita Electronics Incorporated, na ngayo’y kilala bilang G. Telecoms.

Noong Enero 18 ay nilagdaan din ni Duterte ang RA 11193 na magbibigay ng prangkisa sa Malindang Broadcasting Network Corp. Pahihintulutan ng batas ang Broadcasting Network na mag-operate at magpanatili ng radio and television broadcasting stations sa Mindanao.

Samantala, nilagdaan din ni Pangulong Duterte ang ilang mga bagong batas tulad ng mga sumusunod:

Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act; National Integrated Cancer Control Act; Secondary School  Career Guidance and Counseling Act; at batas na maglulunsad sa Philippine Sports Training Center.

Mga batas tungkol sa holiday declarations tulad ng: September 3 bilang special working public holiday sa buong bansa bilang paggunita sa pagsuko ng Japanese military forces na pinangunahan ni General Tomoyuki Yamashita sa Baguio City habang ang Enero 17 ay special non-working holiday sa Olongapo bilang pagkilala sa pagkabayani ni James Leonard Tagle Gordon.