22,000 trabaho ang naghihintay para sa mga skilled workers sa gaganaping job fair sa Subic




Imahe mula sa Facebook page ng BBBPhilippines

Inanunsiyo ni Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment na mayroong 22,000 trabaho na bukas para sa mga skilled workers sa gaganaping job fair sa Subic Bay Metropolitan Authority sa Zambales sa ika-9 ng Pebrero.

Ayon sa kalihim, ang job caravan, na bahagi ng Build, Build, Build Program ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ay para sa mga residente ng Central Luzon at iba pang kalapit na lugar na mayroong skills sa konstruksiyon at katulad na larangan.

Sabi ni Sec. Bello. pitumpu’t pitong kumpanya ang lalahok sa job fair.

Imahe mula sa Facebook page ng BBBPhilippines

“With about 77 companies offering more than 22,000 vacancies, we are opening the jobs caravan to all skilled jobseekers,” anang kalihim.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, sinabi ni Bello na mga karpintero, pipe-fitters, steel men, welders, scaffolders, electricians, painters, masons at laborers ang kailangan ng mga kumpanyang kalahok sa job fair.

“We are thankful to the companies for making available opportunities not only for skilled workers in Central Luzon but also in surrounding provinces. These workers are mostly needed as we push the ‘Build Build Build’ infrastructure program of the Duterte government,” saad ni Bello.

Imahe mula sa Hataw Tabloid

Ang orihinal na layunin ng job fair ay tulungan ang mga libo-libong manggagawa ng Korean shipbuilder na Hanjin Heavy Industries and Construction Philippines na nawalan ng trabaho matapos magdeklara ng bankruptcy dahil sa mga utang sa bangko na hindi mabayaran.

Ayon kay Sec. Bello, nasa 2, 779 manggagawa mula sa Hanjin ang pasok ang kwalipikasyon sa mga trabahong alok sa job fair.

Karamihan umano sa mga trabahador na galing sa Hanjin ay bihasa sa carpentry, welding at vulcanizing kaya walang mangyayaring job mismatch.

Mayroong pre-registration ang mga aplikante na gaganapin sa February 4, 6 at 7 sa SBMA Gym mula alas-otso ng umaga hanggang alaas-dos ng hapon.