“TRASH-lacion”: Tone-toneladang basura, iniwan ng mga namanata sa Pista ng Poong Nazareno

Mga larawan mula sa CNN Philippines at Google Image Public Domain

Nagmistulang “trash–lacion” ang idinulot ng taunang traslacion ng Poong Nazareno sa Quiapo, Maynila noong Enero 9, 2019 dahil sa tone–toneladang basura na iniwan ng libo–libong namanata sa naturang pista.

Mga larawan mula sa Google Image Public Domain

Ilang araw bago ang aktwal na traslacion, marami sa mga deboto ang natulog sa Luneta Grandstand gamit ang mga karton at plastik na kalauna’y iniwan din kasama ng mga pinagkainang food containers, pinag–inumang plastic bottled water, maging ang mga sachet ng instant coffee,  upos ng sigarilyo, at iba pang uri ng kalat.

Mga larawan mula sa CNN Philippines at Abante TNT

Malungkot ang pamunuan ng  EcoWaste Coalition dahil tila bingi na ang mga tao sa panawagan nilang panatilihing malinis ang kapaligiran at pairalin ang wasto at nararapat na disiplina sa pagtatapon ng kanilang mga basura sa tamang basurahan.

“Our public appeal for a trash-less Traslacion has again fallen on deaf ears.  Many people unashamedly threw their garbage anywhere turning the parade ground fronting the Quirino Grandstand into a dumping ground,” saad ni Daniel Alejandre ng EcoWaste Coalition.

Dagdag pa ni Alejandre: “People seem to have no qualms about littering, a prohibited act under our local and national environmental laws that is more often disregarded than enforced. Littering, especially in godly activities, is totally unacceptable. Devotion should not lead to pollution.”

Kalat din ang iniwan ng mga deboto sa iba pang kalye sa Quiapo,

Sa magkasanib na puwersa ng mga kawani ng Department of Public Works and Highways, Metro Manila Development Authority (MMDA), lokal na pamahalaan ng Maynila, EcoWaste Coalition, at iba pang volunteers mula sa civic at religious groups, sama–sama nilang nilinis ang mga basurang iniwan ng mga deboto sa lansangan.

“We hope that our people’s devotion to the Black Nazarene will also find its expression in the way we act toward our shared environment – with care and respect,” sabi ni Alejandre.

Ayon sa tala ng MMDA, mahigit 385 tonelada ng halo–halong basura ang kanilang nakolekta noong Traslacion 2018, higit na malaki ng 10 bahagdan kaysa sa nakolekta noong taong 2017.

Noong Disyembre 25, 2018, naging malaking suliranin din ng EcoWaste Coalition at MMDA ang mga iniwang kalat ng mga tao na piniling magdiwang ng Pasko sa Rizal Park.

Kaya naman masasabing isa ang DISIPILINA sa mga bagay na dapat pagtuunan ng pansin ng mga Pilipino.

Mga larawan mula sa Philippine Star at GMA Network