Tony Labrusca maaaring ma-deport kung may nilabag na immigration law – BI

Imahe mul sa Facebook account ni Tony Labrusca

Bigla ang pagsikat ng Filipino-American singer/actor na si Tony Labrusca dahil sa pelikulang “Glorious” bilang kapareha ng sikat na aktres na si Angel Aquino, subalit posibleng iyon na ang huli niyang pelikula sa bansa kung sakaling ma-deport siya.

Tinatapos na ng Bureau of Immigration (BI) ang imbestigasyon sa kaso ng pambabastos umano ng aktor sa isang immigration officer.

Imahe mula sa Facebook account ni Tony Labrusca

Nag-ugat ang insidente dahil 30 days na pananatili sa bansa lang ang ibinigay sa kanya ng nasabing immigration officer at hindi ang inaasahan niyang Balikbayan stamp para sa mas mahabang pananatili sa Pilipinas.

Nilinaw ng tagapagsalita ng BI na si Dana Sandoval na hindi dapat ituring ni Labrusca na Balikbayan siya dahil base sa kanyang mga dokumento ay isa siyang banyaga. Ang aktor, na anak ng Pilipinang modelo/singer, ay ipinanganak sa Canada.

Sinabi ni Sandoval na sa kasalukuyan ay tinitingnan ng BI kung may nilabag na immigration law at iba pang batas si Labrusca habang nasa bansa ito. Ang paglabag sa immigration law ay isa umanong ground for deportation.

Imahe mula sa Facebook account ni Tony Labrusca

“What happened at the airport has already been resolved by our supervisor. Now, if we will see that he violated an Immigration rule while in the country, for example if he worked here in the past without the proper permit or visa, then that could be a reason to initiate a deportation (proceeding) against him,” paliwanag ni Sandoval.

Posible rin na mailagay sa blacklist si Labrusca at pagbawalan nang makabalik sa bansa.

Nilinaw ni Sandoval na kung sakaling mangyari na irekomenda ang aktor para ma-deport, maaari naman itong umapela sa BI o sa Department of Justice.

Ayon naman kay Justice Undersecretary at spokesperson Mark Perete, hinihintay na lang nila ang rekomendasyon ng BI, ngunit ayon sa ulat ng Inquirer, ilang sources mula sa Department of Justice ang nagsabi umano na malaki ang posibilidad na irekomenda ang deportation ni Labrusca.

Source 1   Source 2   Source 3