Tone-toneladang basura nakatakdang ibalik sa South Korea sa ika-9 ng Enero

Imahe mula sa Facebook page ng Ecowaste Coalition

Nakatakda nang ibalik sa South Korea ang tone-toneladang basura na ilegal na nakapasok sa bansa noong buwan ng Hulyo at Oktubre ng nakaraang taon.

Ayon sa press release ng Ecowaste Coalition at ng Bureau of Customs na ibinahagi sa Facebook, ang mga basura na tumitimbang ng mahigit 6,500 tonelada na nasa Mindanao International Container Terminal (MICT) ay nakatakda nang ibalik sa South Korea sa sa susunod na linggo, ika-9 ng Enero.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Ito ay matapos magkasundo ang pamahalaan ng Pilipinas at South Korea hinggil sa pagbabalik ng mga basura sa Pyeongtaek City sa South Korea kung saan nagmula ang mga iyon.

“We expect the 51 garbage-filled containers stored at MICT to be homebound by January 9 provided that all regulatory requirements are readily available. Their expedited re-export is what BOC wants and this is what our people are yearning for,” ani John Simon, port collector sa MICT.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Ang mga basura ay idineklara ng consignee nito na Verde Soko Philippine Industrial Corp. bilang mga synthetic plastic flakes. Hindi rin umano kumuha ang nasabing kumpanya ng permit mula sa Department of Environment and Natural Resources.

Ayon pa kay Simon, magkakahalaga ng $47, 430 ang gagastusin ng South Korea sa pagbabalik ng mga basura.

Ayon sa embahada ng South Korea sa bansa, ang kanilang Ministry of Environment ay nagsagawa ng “legal procedure” noon pang buwan ng Nobyembre ng nakaraang taon upang maibalik ang mga basurang ilegal na ipinadala sa Pilipinas.

Imahe mula sa Ecowaste Coalition

Iniimbestigahan na rin ng Ministry of Environment, Korea Customs Service at Ministry of Foreign Affairs ang exporter ng mga basura na nakabase sa Pyeongtaek City.

Nakumpirma ng mga nasabing South Korean agencies na hindi dumaan sa tamang recycling process ang mga basura at ang mga dokumeto para sa pag-export ng mga iyon ay pineke.

Source 1   Source 2   Source 3