Tarp Prank ni Kuya para sa kapatid na pumasa sa driver’s licensure exam, kinaaliwan ng marami

Imahe mula sa Facebook account ni Sam Reyes

“The bond between brothers”… samahang hindi matatawaran; samahang nagpapakita ng lalim ng pagmamahalan — sa likod man ng “pranks”.

Ganyan ang nadama ng maraming netizens sa nakatutuwang prank post ng isang kuya para sa kanyang nakababatang kapatid.

Kapag may pumasa sa isang mabigat na pagsusulit tulad ng mga board exams ay karaniwan nang ipinagdiriwang ito ng mga pamilya at mga organisasyon.

Eh ang pagpasa sa driver’s licensure exam, dapat bang ipagdiwang? Gaya ng ginawa ng isang kuya?

Nag-viral ngayon sa social media ang isang congratulatory banner na inihanda ng isang netizen makaraang makapasa  ang kanyang nakababatang kapatid sa 2019 driver’s licensure exam.

Sa Facebook post ni Sam Reyes ibinahagi nito ang isang tarpaulin para sa kanyang kapatid na si Chino Reyes makaraang makapasa sa nasabing pagsusulit.

Ayon sa post:  “Kuya is so proud of you!”

Imahe mula sa Facebook account ni Sam Reyes

Well, kinaaliwan at naghatid ng good vibes sa social media ang nasabing post. Sa paglilinaw ni Sam, isa umanong ‘prank’ ang kanyang pagbati na ito at kasabwat pa niya ang kanilang ama. Aniya, may isang buwan na silang nagplano  sa gagawing hilarious prank at maliban sa ama  ay kasabwat din nila ang dalawang may-ari ng bahay kung saan ilalagay ang banner.

Si Sam ang namahala sa printing at lay out ng banner at siya rin ang sumama sa kapatid nang kumuha ito ng exam.

Ayon sa ulat ng The Coconuts, ang larawan ay kuha sa Angeles City, Pampanga, sa may entrada ng subdivision nina Sam. Ito’y ikinabit matapos kumuha ni Chino ng exam para magkaroon ng driver’s license mula sa Land Transportation Office (LTO).

Nitong Enero 13 ay nagdiwang ng kaarawan si Chino at hindi siya nag-aksaya ng panahon sa pagkuha ng lisensya dahil nais na niyang makapagmaneho na at ang kanilang pamilya ay mga car enthusiasts.

Enero 14 nang makapasa si Chino sa pagsusulit. Nakuha niya ang lisensya nang hindi nakikipag-ugnayan sa fixer. Dagdag pa ni Sam, nais niyang maging responsible at may kababaang-loob na driver ang kanyang kapatid.

Wika pa ni Sam, normal sa mag-ama ang mga ganitong pagbibiro. Naaliw naman si Chino sa mga pagbating natanggap mula sa mga kakilala matapos ang prank na ginawa ng kanyang kuya. Tunay na isang masayang katuwaan.

Sa katunayan ang mga kaibigan umano nila ay nagsipag-cheer at nagsipagbusina ng mga sasakyan nang pabalik na si Chino  sa kanilang subdivision. Nilubos na ang kanilang kasiyahan.

Imahe mula sa Facebook account ni Sam Reyes

Ani Sam, proud din siyang magkaroong muli ng non-professional [driver] sa kanilang pamilya, lalo pa’t siya pala ang nagturo kay Chino sa pagmamaneho ng manual transmission car simula sa edad na 12 kaya’t masasabi na matindi nga ang kanilang bond bilang brothers. Bahagi naman pala siya ng pagpasang ito!

Makiki-congrats na rin kami. Pagbati, Chino!