Star Power finalist na tinulungan noon ni Sharon Cuneta, may panawagan muli sa Megastar

Imahe mula sa Instagram account ni Sharon Cuneta

May panawagan kay Sharon Cuneta si Natasha Cunanan, isa sa 12 finalists sa reality talent show ng ABS-CBN na “Star Power: Sharon’s Search for the Next Female Pop Superstar.”

Ang reality talent show na ang host ay ang Megastar ay unang umere noong ika-10 ng Oktubre taong 2010 at natapos noong Pebrero 2011 kung saan si Angeline Quinto ang tinanghal na grand champion.

Imahe mula sa Instagram account ni Natasha Cunanan

Sa ulat ng Push, dumudulog si Cunanan kay Miss Sharon Cuneta na sana ay muli siyang matulungan nito sa pagpapagamot sa inang may karamdaman.

Sa panayam sa kanya habang abala sa pag-eensayo para sa first major concert niya na ginanap nitong Biyernes, ika-11 ng Enero, sa Music Museum, ibinahagi ng singer mula sa Bulacan na ang concert niya ay isang benefit show na ang kikitain ay gagamitin sa pagpapagamot ng kanyang ina.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Kabilang sa mga special guests sa concert niya ang mga kaibigang sina Angeline Quinto, Benj Manalo at Katrina Velarde.

Kuwento ni Natasha, dati nang naoperahan ang nanay niya sa tulong ni Sharon.

“Actually naoperahan na siya before with the help of Miss Sharon Cuneta,” saad ni Natasha.

“Noong nalaman niya kung bakit ako sumali sa ‘Star Power,’ kasi para mapagamot nga ang mother ko, binulungan niya ako. Sabi niya, ‘Win or lose, ako na bahala sa mama mo,” dagdag pa niya.

Malaking tulong ang ibinigay ni Megastar na siyang sumagot sa gastos sa operasyon na nagdugtong sa buhay ng kanyang ina.

Imahe mula sa Instagram account ni Natasha Cunanan

Muli umanong bumalik ang karamdaman ng ina, sabi ni Natasha, at nangangailangan siya ng malaking halaga para sa panibagong operasyong kinakailangan kaya naman ang panawagan niya kay Sharon Cuneta ay muli siya nitong matulungan.

“Sana mabigyan ng chance na makarating sa kanya itong condition ni Mama,” aniya.

Buo ang pag-asa ni Natasha na mapapalawig pa ang buhay ng ina kung maipagagamot ito.

Source :

Push, ABS-CBN, YouTube