SSS, tinawag na “walang puso” matapos ipagpaliban ang P1,000 additional pension increase

Imahe mula sa SSS

Walang puso! Ito ang itinawag ni Bayan Muna Representative Carlos Isagani Zarate sa Social Security System (SSS) matapos nitong ipagpaliban ang pagbibigay ng P1,000 additional pension hike na nakatakda ngayong 2019.

Ang karagdagang isanlibong pensiyon para sa mga retiradong miyembro ng SSS ay bahagi ng P2,000 pension increase na inaprubahan noon ni Pangulong Rodrigo Duterte. Ang unang P1,000 ay naibigay na noong 2017.

Ayon sa Brigada News, sinabi ng mambabatas na malaking tulong sana sa mga pensioners ang karagdagang P1,000 lalo na’t inaprubahan na ang ikalawang pagpapataw ng  excise tax sa langis ngayong taon.

Imahe mula sa Selda

Hindi tanggap ni Zarate ang sinabing dahilan ng SSS na kaya hindi muna ipatutupad ang pension hike ngayong taon ay nanganganib ang buhay ng retirement fund.

Noong Miyerkules, ika-9 ng Enero, sinabi ni SSS President Emmanuel Dooc na dahil sa unang P1,000 na naibigay noong 2017 ay umikli ang buhay ng pondo ng ahensiya na tatagal na lang hanggang 2032.

Ang buong taon ng 2019 ay gugugulin umano ng SSS upang mapatatag at mapalago ang pondo.

“Ang most optimistic na aming pangako ay magawa ‘yan sa 2020. Meron tayong isang buong taon pa para maisagawa ang mga hakbangin para mas mapatatag at mas mapalago ang ating pondo,” sabi ni Dooc.

Imahe mula sa PIA

Pinasinungalingan naman ni Zarate ang pahayag ng SSS. Nagkaroon naman daw ng sapat na panahon ang SSS na mapabuti ang collection efficiency nito mula sa 31 million SSS members at employers.

Bilyun-bilyon din umano ang nakolekta mg SSS mula sa overdue contribution mula sa mga employers na hindi nakapag-remit sa loob ng nakalipas na sampung taon, mga tinapyas na perks ng SSS officials na nagkakahalaga ng P200 million at multa sa delinquent employers.

Ipinangako naman ni Dooc na tiyak na maibibigay ang karagdagang pensiyon bago matapos ang termino ni Pangulong Duterte.