Solusyon sa trapiko? “Work from Home” Bill, naisabatas na

Mga larawan mula sa Twitter account ni Dharel Placido at Google Image Public Domain

Problema mo ba ang labis na trapiko kapag patungo o pauwi mula sa iyong trabaho?

Nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang isang bill noong Disyembre 20, 2018 at ganap na itong naging batas na magpapahintulot sa mga kawani o empleyado ng mga pribadong sektor at kompanya na makapag–”telecommute” o magtrabaho na lamang sa bahay o iba pang alternatibong lugar sa halip na bumiyahe pa upang mas maging produktibo ang mga oras.

Mga larawan mula sa Twitter account ni Dharel Placido

Inilabas ng Malacañang ang kopya ng nilagdaang batas ng pangulo noong Huwebes, Enero 10, 2019.

Ayon sa chair ng Senate Committee on Labor, Employment and Human Resources Development na si Senador Joel Villanueva, ang batas na ito na tinawag na Republic Act 11165 ay may layuning magtampok ng  “work-life balance” at maaaring tugon sa palala nang palalang traffic congestion sa iba’t ibang panig ng lansangan, na may di–magagandang epekto sa ekonomiya ng bansa.

Si Senator Villanueva ang  principal author at sponsor ng naturang batas, na nagbigay-diin na ito ay opsyonal lamang at nakabatay pa rin sa mapagkakasunduan ng may–ari ng kompanya at mga kawani.

Mga larawan mula sa Twitter account ni Dharel Placido at Google Public Domain

Kailangan pa rin itong sumunod sa minimum labor standards sa kalusugan, seguridad,  workload, oras ng trabaho, at social security.

Dagdag pa niya, ang naturang batas ay may sapat na mga pamantayan para sa mga home-based workers tulad ng pantay na pasahod, leave benefits at promotion.

“With this recently signed law, we can now have a stable and consistent legal framework that can provide an enabling environment to encourage participation and enforce compliance among enterprises, big or small. This is indeed a fitting New Year’s welcome for our dedicated Filipino workers,” pahayag ni Villanueva.

Mga larawan mula sa Twitter account ni Dharel Placido at Google Image Public Domain

Sa ilalim ng batas na ito, inatasan ang Department of Labor and Employment o DOLE na bumuo ng guidelines upang matiyak na mapangangalagaan pa rin ang karapatan ng mga home-based workers, tulad ng mga kawani o manggagawang pumapasok sa mismong lugar ng trabaho.

Tiniyak din ni Villanueva na magkakaroon ng mga telecommuting pilot program sa mga piling industriya upang masuri at mapag–aralan ng DOLE kung epektibo ito sa loob ng tatlong taon.