“RXV”: Regine Velasquez at Vice Ganda, magsasanib–puwersa sa isang Valentine concert

Tiyak na “yayanig” ang Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City sa darating na Pebrero 2019 sa pagsasama nina Asia’s Songbird Regine Velasquez at Unkabogable Phenomenal Star Vice Ganda para sa isang concert na pinamagatang “RXV.”

Excited na inihayag ni Queen Regine  sa longest musical variety show na “ASAP Natin’ To” noong Enero 7, 2019 ang pagsasanib–puwersa nila ni Vice sa isang Valentine concert.

Ito ang kauna–unahang pagkakataong magsasama sa iisang concert ang Songbird at Phenomenal Star matapos ang paglipat ni Regine sa ABS–CBN Kapamilya Network. Nagkakasama lamang ang dalawa bilang mga guests sa concert ng ibang artists.

Mga larawan mula sa Instagram accounts nina Regine Velasquez at Vice Ganda

Ayon sa panayam kay Regine ng PEP noong Nobyembre 4, 2018, dalawang taon na nilang pinagpaplanuhan ang naturang concert, subalit hindi naisasakatuparan dahil sa magkaiba sila ng TV network.

Matagal nang inamin ng Songbird na isa sa mga dahilan kung bakit siya “dumapo” sa pugad ng Kapamilya network ay dahil gusto niyang makatrabaho ang iba pang mahuhusay na mang–aawit na kasama niya sa industriya ng musika. Halos lahat kasi sila ay nasa ABS–CBN. Isa sa mga hinahangad niyang makatrabaho si Vice Ganda.

“But now, since I’m already a Kapamilya, there are many possibilities na,” turan pa ng Songbird.

Hindi maitatanggi ang chemistry ng dalawang mahuhusay na artists na kinikilala sa kani–kanilang genres. Kayang–kayang makipagsabayan ni Regine sa kakwelahan ni Vice, at pagdating sa biritan, hinding–hindi rin naman pahuhuli si Vice kay Regine.

Ang huling concerts ni Regine noong 2018 ay “Regine At The Movies” na ginanap sa New Frontier Theater (dating KIA Theater) sa Quezon City, gayundin ang “R3.0” na idinaos sa SM Mall of Asia Arena para sa pagdiriwang ng 30th anniversary ng Songbird sa industriya.

Mga larawan mula sa Instagram account ni Regine Velasquez

Matagumpay naman ang “Pusuan Mo Si Vice Ganda” concert tour ni Vice Ganda noong 2018 sa iba’t ibang panig ng mundo tulad ng Amerika.

Mga larawan mula sa Instagram account ni Vice Ganda

Masayang–masaya naman ang mga tagahanga at tagasubaybay ng dalawa na matagal nang nag–aabang sa kanilang malaking pagsasama sa isang proyekto, gaya ng concerts.

“Regine and Vice sa isang concert?? I’m sure riot yan!! Excited to watch it!”

“Iba talaga, eh for sure sold–out yan RegineXVice ba naman eh.”

“A must–see concert of 2019!”

Tiyak na magiging matagumpay ang concert na ito. Congratulations in advance, Queen Regine and Meme Vice!

Source 1 Source 2 Source 3