Russians mamumuhunan ng P8-bilyon para sa banana plantation sa Mindanao




Imahe mula sa PhilFresh

Interesado ang isang grupo ng mga Russian businessmen na mamuhunan para sa isang plantasyon ng saging sa hangganan ng Maguindanao at Lanao del Sur sa Mindanao.

Ayon sa Facebook post ni Department of Agriculture (DA) Secretary Manny Piñol, tinatayang aabot sa walong bilyong piso ang kabuuan ng magiging puhunan ng mga negosyanteng Ruso .

Kasama si  Sec. Piñol at Maguindanao Governor Esmael Mangudadatu, nagsagawa ang mga Ruso ng aktuwal na pag-inspeksiyon sa proposed banana plantation sa Barangay Oring, Buldon, Maguindanao na bahagi ng dating Camp Abubakar na nagsisilbing headquarters ng Moro Islamic Liberation Front.

Imahe mula sa Facebook page ni Sec Manny Piñol

Limang libong ektarya ang para sa midland bananas at dalawang libong ektarya naman para sa highland bananas ang available area para mapagtamnam, ayon sa dating vice mayor ng bayan ng Buldon na si Hadji Nasruddin Maluag.

Kuwento ni Sec. Piñol, habang sakay sila ng helicopter ay namangha ang representative ng mga Ruso na si French-Russian businessman na si Robert Gaspar sa lupain at mga ilog sa Maguindanao.

“I never thought I would see a plain area as vast as this with very good soil and so many rivers,” bulalas ni Gaspar.

Bukod sa banana plantation, plano rin ng mga Russian businessmen na mamuhunan para sa isang Aquaculture production sa Polloc Cove sa bayan ng Parang, Maguindanao.

Sinabi ni Governor Mangudadatu na ang Polloc Cove ay isang mari-culture park ng probinsiya.

Imahe mula sa Facebook page ni Sec Manny Piñol

Nagpakita ng interes na mamuhunan sa bansa ang mga Ruso matapos ang pagbisita noong 2017 ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Moscow at ang mga sumunod pang pakikipag-ugnayan niya kay Russian President Vladimir Putin.

Nakapasok naman sa Russian market ang tatlong Philippine fisheries companies sa tulong ng Bureau of Fisheries na nasa ilalim ng DA.

Pangako naman ni Gaspar na lahat ng mga produkto sa ilalim ng kanilang proyekto sa Mindanao ay may naghihintay na market sa Russia.

“Everything that we will produce here, especially bananas and sea products will have a waiting market in Russia,” ani Gaspar.

Aabot sa 10,000 manggagawa, na ang karamihan ay mga dating rebel combatants at mga anak nila, ang magiging empleyado sa proyekto ng mga Ruso.