Songbird meets Phoenix : Regine Velasquez, Morissette Amon nagtapatan sa ASAP Natin’ To

Mga larawan mula sa Instagram account ni Morissette Amon

Simula nang lumipad at dumapo sa ibang “pugad” ang Asia’s Songbird Regine Velasquez-Alcasid, napakaraming mga tagahanga at tagasubaybay ang nag-aabang kung sino-sino sa mahuhusay at de-kalibreng mang-aawit ng ABS-CBN Kapamilya Network ang makakatapatan o makakasama niya sa isang singing collaboration, lalo pa’t isa na siya sa mga mainstay hosts ng longest musical variety show na “ASAP Natin’ To. “

Noong Disyembre 30, 2018 ay pinag-usapan sa social media ang isa sa mga tapatang pinakaaabangan ng lahat; ang pagsasama nila sa biritan ni Asia’s Phoenix Morissette Amon sa entablado ng naturang programa.

Ilan sa kanilang inawit ang mga sikat na kanta ni Mariah Carey tulad ng “My All” na unang inawit ni Morissette, na sinundan naman ng  “Never Too Far” ni Regine.

Sabay namang bumirit ang Asia’s Phoenix at Asia’s Songbird sa awiting “Butterfly” na labis na nagpamangha sa studio audience, gayundin sa mga netizens.

Image capture mula sa YouTube channel

Matatandaang isa si Morissette sa mga pangarap na makasama sa isang singing collaboration ni Regine nang magbalik siya bilang isang Kapamilya.

Noong Pebrero 20, 2018, si Regine mismo ang naghayag sa harap ng mga manonood ng kauna–unahang pinakamalaking concert ni Morissette sa Big Dome na “Morissette is Made” na ang naturang mang–aawit ang “pinakabagong reyna” pagdating sa kantahan.

“You are incredible. I am so happy for you. You deserve everything, all of the attention, because you are such a talented young girl. Alam mo, gagaling ka pa,” papuri ng Songbird kay Morissette.

Dagdag pa ni Regine: “Natutuwa ako na you just waited for your turn, and now this is your turn. I just want to say I think we have produced another superstar. Queen ka na. Hindi mo na kailangan ng baton ng iba. Hindi ko kailangan ipasa ang baton, because for me, I think, you are already a queen.”

Mga larawan mula sa Instagram account ni Carlo Orosa

Nagsimulang mapansin si Morissette bilang runner-up sa talent search ng TV5 na “Star Factor.” Noong 2012, napabilang siya sa Repertory Philippines production ng “Camp Rock.”  Lumahok siya sa unang season ng “The Voice of the Philippines” noong 2013, sa ilalim ng team ni Sarah Geronimo.

Naging ganap na recording artist ng Star Music si Morissette noong 2014 at napabilang sa “Birit Queens” ng ASAP kasama nina Jona Viray, Klarisse De Guzman, at Angeline Quinto.

Tinawag na “Asia’s Phoenix” si Morissette matapos ang kanyang pagtatanghal sa “14th Asia Song Festival” sa Busan, South Korea noong Setyembre 24, 2017 bilang kinatawan ng Pilipinas.

Siya ang kauna–unahang Filipino artist na nagkaroon ng sariling “V-Live Channel”; kilalang live video streaming service para sa mga celebrity sa South Korea.

Panoorin ang tapatang Regine Velasquez at Morissette Amon sa pamamagitan ng YouTube channel.

Source 1 Source 2 Source 3