Pangako ng DENR, Manila Bay maaari nang paglanguyan ng publiko sa Disyembre

Imahe mula sa kay Patrick Roque

Ipinangako ng mga opisyal ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na ang  napakaruming Manila Bay ay maaari nang paglanguyan ng mga tao sa Disyembre ngayong taon sa gagawin nilang rehabilitasyon nito.

Sinabi ni DENR Secretary Roy Cimatu na ang binuong inter-agency task force ay susubukang maibaba ang coliform contamination ng Manila Bay sa katanggap-tanggap na lebel sa pamamagitan ng kanilang “Manila Bay Action Plan” na may pondong P47 bilyon.

Imahe mula sa DENR

Ani Cimatu, susubukan ng ahensiya na maibaba ang fecal contamination ng Manila Bay upang maging angkop iyon na paglanguyan at iba pang public activities.

Sa kasalukuyan ang fecal contamination nito ay 3.3 million times na mas mataas kaysa sa acceptable level na 100 most probable number (MPN) per 100 milliliters (ml) para sa coastal waters class SB o recreational waters na angkop sa paliligo, paglangoy, skin diving at pangingisda.

Imahe kuha sa video ng News5

Ayon sa ulat ng Inquirer, batay sa pinakahuling water test ang fecal coliform level ng Manila Bay ay 330 million MPN sa bawat 100ml. Target ng DENR na ibaba iyon sa less than 270 MPN sa Disyembre.

Sinabi ni Sec. Cimatu na ang mahigpit na pagpapatupad ng Philippine Clean Water Act of 2004 ang susi upang maibalik ang malinis na kalidad ng tubig ng Manila Bay.

Dapat umanong magkaroon ng sariling sewage treatment plant ang mga establisyimento malapit sa Manila Bay.

Isiniwalat ni Cimatu na ang Manila Bay Action Plan ay may tatlong bahagi.

Ang Phase 1 ay ang “cleanup and improvement of water quality.”  Ang Phase 2 ay rehabilitation at ang Phase 3 ay “protection at sustainment.”

Imahe mula sa DENR

Kabilang sa Phase 1 na nakatakdang isagawa ngayong taon ay ang paglilinis ng mga estero, iba pang waterways at ang reduction ng fecal coliform at toxic discharges mula sa mga establisyimento.

Bibigyan din ng pansamantalang sanitation facilities ang mga informal settlers na naninirahan sa kahabaan ng mga estero at Manila Bay habang pinaplano ang kanilang relokasyon.