Pag-akyat ni “French Spider Man” sa isang gusali sa Makati hindi nakalusot sa batas




Mga larawan mula sa Instagram account ni Alain Robert

Hindi nakalusot sa batas ang tinaguriang “French Spider Man” na si Alain Robert nitong Enero 29, 2019 dahil sa pag–akyat nito sa napakataas na gusali sa Makati kamakailan lang.

Ayon sa panayam kay Chief Inspector Gideon Ines Jr., Makati police assistant chief for operations, kasama ni Robert ang kanyang abogado nang dinala siya sa tanggapan ng pulisya.

Sinadya umano ito ni Robert sa antisipasyong mangyayari ang pagsita sa kanya dahil sa kanyang pag–ala “Spider Man” sa GT International Tower. Kinasuhan ng pamunuan ng GT Tower si Robert matapos ang naturang akto dahil sa eskandalong idinulot nito.

Hindi rin umano alam ni Robert kung anong batas ang kanyang nilabag, dahil matagal na raw niya itong ginagawa sa iba’t ibang bansa. Subalit sa kanyang bansang tinubuan, pinagbawalan na siyang gawin ito sa alinmang gusali dahil sa dulot nitong panganib. Kalahating taon daw niyang pinag–aralan ang kanyang gagawing pag–akyat sa naturang gusali.

Sinimulang akyatin ni Robert ang gusali ng GT mga bandang 10:00 ng umaga nitong Martes gamit ang kanyang mga kamay. Wala siyang anumang gloves, harness, o ibang safety gear. Matapos marating ang tuktok ng gusali, bumaba rin siya sa katulad na akto. Agad siyang dinala ng mga awtoridad sa kanilang headquarters pagkababang–pagkababa niya.

Mga larawan mula sa Instagram account ni Alain Robert

Dahil sa kakaibang aktong ito ni Robert, marami namang mga tao ang nag–usyoso upang mairecord sa kanilang mga smartphone ang pag–akyat at pagbaba ni Robert bilang Spider Man. Nagdulot tuloy ito ng matinding trapiko sa lugar.

Naghanda naman ang Makati rescue team ng inflatable rescue/jump cushion upang matiyak ang kaligtasan ni Robert kung sakaling mahulog ito mula sa gusali.

Nakapag–post pa si Robert sa kanyang opisyal na Instagram account hinggil sa kanyang naging kalagayan sa Makati. Umani naman ito ng iba’t ibang reaksyon mula sa mga netizens sa loob at labas ng bansa.

“Everyone is entertained at the same time motivated whenever you climb these Skyscrapers. Respect!”

“Thanks for leading the way Alain. You’re a true living legend.”

“Awesome climb, congratulations from Bali. Maybe you can appeal for release to President Duterte?”

Nitong gabi ng Enero 30 ay nakapagpiyansa na si Robert sa halagang P3,000 at pinalaya na, ngunit hindi pa rito nagtatapos ang mga kakaharapin niyang usapin. Sa Pebrero 12 ay nakatakda siyang humarap sa Metropolitan Trial Court (MTC) Branch 62.

Samantala, panoorin ang isang video ng pag–akyat ni Alain Robert sa isa sa mga gusali sa ibang bansa via Instagram:

Iclick ang larawan upang mapanood ang video sa Instagram account ni Alain Robert