Outreach program ng INC para sa mga OFW pinalawak sa Asya




Imahe kuha mula sa video ng Eagle News

Pinalawak sa limang bansa sa Asya ang Lingap sa Mamamayan outreach program ng Iglesia ni Cristo (INC) para sa mga overseas Filipino workers (OFW).

Ang nasabing outreach program  ay ilang taon nang ginagawa ng INC dito sa bansa at sa ilang bansa sa ibayong dagat. Nadagdagan ng limang bansa sa Asya ang mga lokasyon na naabot ng programa.

Ayon sa ulat ng Manila Standard, tagumpay ang isinagawang “Lingap sa OFW” sa Taiwan, Thailand, Malaysia, Macau, at Hong Kong.

Imahe kuha mula sa video ng Eagle News

Noong October 28, 2018 ay nagsagawa ng outreach at assistance initiatives ang INC sa Kuala Lumpur sa Malaysia, sa Taipei at Kaoshiung naman sa Taiwan noong November 18 at 25 , 2018, sa Bangkok, Thailand noong ika-13 ng Enero ngayong taon, sa Macau noong ika-2 ng Enero at nito lang ika-27 ng Enero ay sa Hong Kong naman.

Libo-libong mga  “goodwill bags” na naglalaman ng pagkain at sari-saring produktong panlinis sa katawan ang ipinamahagi sa lahat ng nabanggit na lugar sa Asya.

Layunin ng INC na magkita-kita bilang isang komunidad ang mga Pinoy sa mga nabanggit ng mga bansa at naisakatuparan nila ito sa pamamagitan ng Lingap sa OFW.

“Sa isinagawang mga Lingap sa labas ng bansa, ipinaabot namin ito sa ating mga kababayang OFW.  Nakakalat ang ating mga kababa­yan sa mga karatig-bansa dito sa Southeast at Northeast Asia, ngunit bihira silang magkita-kita bilang isang mala­king komunidad ng mga Pilipino. Ito ang aming naging layunin at aming naisakatuparan sa pamamagitan ng Lingap sa OFW,” sabi ni INC General Auditor Glicerio B. Santos, Jr.

Imahe kuha mula sa video ng Eagle News

Ang outreach program sa Asya ay isinagawa bunsod umano ng hangarin ni INC Executive Minister Eduardo V. Manalo na mabigyan ng mga kinakailangang tulong kabilang na ang emosyonal at espiritwal na pangangailangan ng mga kababayan na nagsasakripisyong magtrabaho sa ibayong dagat para sa pamilyang naiwan sa bansa.