“No RFID, No Entry” advisory sa Skyway, umani ng sari-saring reaksiyon mula sa mga motorista

Imahe mula sa Facebook page ng Skyway O&M Corporation

Umalma ang maraming motorista at residente na maaapektuhan ng “No RFID, No Entry” policy na nais ipatupad sa Skyway.

Sa traffic advisory na inilagay sa ilang toll plaza sa kahabaan ng South Luzon Expressway at sa mismong Skyway, sinasabi na sa mga darating na araw ay hindi na papayagang dumaan sa Doña Soledad (Bicutan) at Dr. A. Santos (Sucat) toll exits ang mga sasakyan na walang radio frequency identification (RFID).

Imahe mula sa Skyway O&M Corporation Facebook page

Hindi naman nakalagay sa advisory kung kailan ipatutupad ang “No RFID, No Entry” policy.

Maraming non-RFID users ang umangal na kung ipatutupad iyon ay mapipilitan silang lumabas sa Alabang toll exit na 8 kilometro ang layo mula sa Bicutan. Mas lalaki umano ang babayaran nilang toll fee.

Imahe mula sa Metro News Central

Sa ulat ng Inquirer, ipinaliwanag ni Alberto Suansing, tagapagsalita ng Toll Regulatory Board (TRB) na nangangasiwa at nagre-regulate sa mga toll facilities, na hindi pa naman pinal ang nasabing polisiya sa Skyway.

Ang dahilan sa likod ng panukalang “No RFID, No Entry” ay ang mabigat na trapiko sa Skyway toll plaza dahil nagkakaroon ng build-up ng mga sasakyan sa toll gate na tumatanggap ng cash payments, ani Suansing.

Sagot naman ng ilang social media users, ang iniiwasang traffic build-up sa Sucat at Bicutan ay maililipat lang sa Alabang toll exit.

Imahe kuha mula sa GMA video

Noong isang taon pa raw inirekomenda ng Skyway O&M Corp sa TRB ang nasabing polisiya, subalit pinayuhan ito ng TRB na magsagawa muna ng sensitivity analysis upang malaman ang reaksiyon ng mga motorista sa panukala.

Paniwala ni Suansing, ang “No RFID, No Entry” advisory ay bahagi ng sensitivity analysis.

“I think the advisories are part of the sensitivity analysis. They’re floating the idea to get the motorists’ reaction,” ani Suansing.

Dahil sa negatibong reaksiyon mula sa mga motorista, hindi tiyak ni Suansing kung maipatutupad pa ang panukala.

Imahe mula sa Auto Industriya

Sa kabila niyon, hinihimok pa rin ng TRB ang mga motorista na gumamit ng electronic toll collection system dahil mas madali, mabilis at kumbinyete iyon kumpara sa pagbabayad ng cash.

Source 1   Source 2   Source 3