Nag-iisang estudyante na pumasok sa klase matapos ang holiday break, hinangaan ng netizens

Imahe mula sa Facebook account ni Chito Marquez Grullo

Matapos ang mahabang holiday break, handa na sa kanyang pagtuturo si Chito Grullo, isang guro mula sa Binalonan, Pangasinan, pero hindi niya inaasahan ang sasalubong sa kanya sa klase.

Mula kasi sa 32 estudyante sa hinahawakan niyang klase ay isa lang ang sumipot noong ika-3 ng Enero.

Sa panayam sa kanya ng GMA, sinabi ni Grullo na nagulat siya at natawa na lang dahil sa isang bata lang ang pumasok sa klase niya.

Imahe mula sa video ng Chito Exclusives

Sa kanyang Facebook post na may kasamang larawan ng nag-iisang estudyante sa loob ng kanyang classroom, pabiro niyang sinulat na may long quiz pa naman siya noong araw na iyon. Dinugtungan pa niya iyon ng hashtag na #MayFirstHonorNaAko.

“January 3… may long quiz pa sana ngayon…tsk..#MayFirstHonorNaAko,” post ni Sir Grullo na isa rin palang vlogger o video blogger.

Anang guro, binigyan niya ng extra points for effort ang nasabing estudyante na pumasok sa klase niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Chito Marquez Grullo

Para naman sa 31 estudyante niya na lumiban, ang mensahe ni Grullo sa kanila ay enjoy-in na lang ang kanilang extended vacation dahil sa  susunod na linggo ay siguradong “back to reality na.”

Matapos maitampok sa TV News program ng GMA na “24 Oras”  ang kanyang nakatutuwang Facebook post ay agad na nag-viral iyon. Ngayon ay mayroon na iyong 87,000 likes at reactions; 10,000 comments, at 47,000 shares.

Naglabas din si Grullo ng video sa YouTube tungkol sa pagiging viral ng kanyang Faceook post. Aniya, na-overwhlem daw siya sa mga pangyayari.

Imahe kuha sa video ng Ciito Exclusives

“Alam n’yo hanggang ngayon nao-overwhelm pa rin ako tungkol sa nangyari kahapon … the attention that I’m getting from the social media. Sobrang sabog ‘yung aking notification dahil nag-viral ‘yung photo, unexpectedly,” anang guro sa kanyang video.

Samantala, bumilib naman ang ilang social media users at nagbigay pa ng mga kwelang komento para sa nag-iisang estudyante pumasok sa klase ni Grullo.

Sabi ng isa, dapat daw ilibre ni Grullo sa pagkain o bigyan ng regalo ang bata.

May nagsabi naman na baka hindi kasama sa group chat ng magkakaklase ang batang pumasok kaya hindi siya nasabihan na walang papasok.

Dapat rin umanong papurihan ang mga magulang ng bata na nag-asikaso sa kanya para pumasok.

Source 1   Source 2   Source 3