Mga nakatutuwang “Kara Mia” memes, patok sa social media




Image capture mula sa YouTube channel

Hindi pa man ganap na umeere sa telebisyon, talaga namang pinag–uusapan at nagdulot na ng katuwaan sa social media ang isa sa mga pinakabagong teleserye ng GMA Kapuso Network ngayong 2019–– ang “Kara Mia” na pagbibidahan nina Barbie Forteza at Mika Dela Cruz.

Batay sa trending trailer nito, ang magiging kuwento ay iikot sa taong may iisang katawan at “may dalawang mukha”; literal na may mukha sa likod ang isa. Si Kara (Barbie Forteza) ang nasa harapan at normal na nakikita ng lahat, habang ang kanyang kakambal na si Mia (Mika Dela Cruz) ang nasa likuran na natatabingan ng belo.

Agad umani ng iba’t ibang reaksyon sa mga netizen ang panibagong ihahaing kakaibang kuwento ng Kapuso Network. May magaganda subalit may mga pumula rin dito. Naglabasan din ang iba’t ibang mga memes sa social media kung saan inilagay nila sa mga kasalukuyang sitwasyon ang karakter nina Kara at Mia.

Ibinahagi ng Facebook user na si Michelle Angelica Orosca Salomon ang iba’t ibang mga nakatutuwang memes na kanyang nakuha rin sa iba-ibang netizens.

Ang unang dalawang memes ay sina Kara at Mia bilang tsuper ng jeep at isang nakikipaglaro ng taguan.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Michelle Angelica Salomon

Ilan pa rito ang nagpapakita ng pakikipaglaro ng patintero at pagkuha nila ng pagsusulit.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Michelle Angelica Salomon

Siguradong walang magtatangkang magnakaw kung maglalakad raw si Kara Mia raw sa Recto at walang magkokopyahan o mag–iingay kung guro sila sa loob ng silid-aralan.

Mga larawan mula sa Facebook account ni Michelle Angelica Salomon

Aliw na aliw at natatawa na lamang sina Barbie at Mika sa pagiging malikhain ng mga netizens, gayundin ang kanilang mga leading men na sina Jak Roberto at Paul Salas. Umaasa silang papatok din sa tv ratings ang pilot episode ng kanilang teleserye at tuloy–tuloy na susubaybayan ng mga Kapuso.

Makakasama rin sa cast sina John Estrada, Mike Tan, Glydel Mercado, at Carmina Villaroel.

Mapapanood ang “Kara Mia” sa pagpasok ng Pebrero 2019 sa GMA Telebabad.

Samantala, narito ang buong Facebook post ni  Michelle Angelica Orosca Salomon:

Mga larawan mula sa Facebook account ni Michelle Angelica Salomon