Mga deboto pinaalalahanan na ang Pista ng Itim na Nazareno ay tuwing Biyernes Santo, hindi Enero 9

Imahe kuha sa video ng NPJN Productions

Pinaalalahanan ng isang pari ang lahat ng mga mananampalatayang Katoliko na ang Pista ng Itim na Nazareno ay ipinagdiriwang tuwing Biyernes Santo at hindi tuwing ika-9 ng Enero.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ipinaalala ni Fr. Ric Valencia ng Minor Basilica of the Black Nazarene, na tinatawag ring Parish of Saint John the Baptist dahil si San Juan Bautista ang patron nito at ng Quiapo Church, na ang ika-9 ng Enero ay hindi Pista ng Itim na Nazareno.

Imahe kuha sa video ng NPJN Productions

“Ang mga taga-Quiapo, they consider today (Jan. 9) as the Feast of the Black Nazarene pero alam naman natin na ang fiesta talaga ng Poong Hesus Nazareno ay Biyernes Santo,” anang kura paroko ng Quiapo Church.

Nilinaw niya na ang ginugunita tuwing ika-9 ng Enero ay ang paglipat o traslacion ng imahen mula sa dating simbahang kinalalagakan nito sa Intramuros patungo sa Quiapo Church.

Ang unang traslacion, na taun-taong ginugunita ng napakaraming deboto, ay naganap noong 1787 nang ilipat ang imahen ng Itim na Nazareno sa Quiapo Church mula sa Intramuros Church.

Imahe kuha ng drone/ABS-CBN

Milyun-milyong deboto ang dumarayo sa Quiapo upang sumama sa taunang prusisyon ng Itim na Nazareno sa paniniwalang nagmimilagro ang imahen.

Sumisigaw ng “Viva Nazareno” at nagpupumilit ang mga deboto na karamihan ay nakayapak lamang na mahaplos ang imahen — na pinaniniwalalng nakaligtas sa isang sunog noong 17th century.

Ayon kay Fr. Ric Valencia, ang taunang prusisyon ng Itim na Nazareno ay isang panawagan sa mga Katolikong Pilipino na manumbalik sa Panginoon.

Imahe kuha ng drone/ABS-CBN

“It’s always a call for conversion, pagbabalik-loob. Maging pasensyoso at maging mapagmahal sa kapwa sa ngalan ng kaligtasan ng lahat,” sabi ni Fr. Valencia.

Ang prusisyon ng Itim na Nazareno ngayong taon na nagsimula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park hanggang sa Quiapo Church ay inabot ng 21 oras – isang oras na mas maaga kumpara sa Traslacion 2018.