Malaking multa sa illegal parking ipatutupad na

Imahe mula sa Facebook page ng MMDA

Pinal na!

Ipatutupad na ng Metropolitan Manila Dvelopment Authority (MMDA) ang pagpapataw ng malaking multa sa mga lalabag sa anti-illegal parking policy ng ahensiya.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, sa Lunes, ika-7 ng Enero, ay siyento porsiyento nang ipatutupad ang pagmumulta nang malaki sa mga pasaway na motorista na mahilig mag-park ng kanilang sasakyan sa mga ipinagbabawal na lugar.

Sa panayam sa kanya, sinabi ni Celine Pialago na tuloy na ang pagpapatupad ng mataas na penalty sa paglabag sa illegal parking, road obstruction at yellow bus lane policy.

Imahe mula sa Facebook page ng MMDA

“We will 100 percent implement it. No more holiday breaks and excuses for violators, full implementation of higher penalties for illegal parking, obstruction, and yellow lane is final on Monday, Jan. 7, 2019,” pahayag ni Pialago.

Umaasa ang MMDA na sa pamamagitan ng pagpapataw ng mataas na multa ay susunod na sa ipinag-uutos ng batas ang mga motoristang matitigas ang ulo.

Kung P200 lang noon ang multa sa illegal parking ng attended vehicle (nasa loob ng sasakyan ang driver), ngayon ay P1,000 na. Sa unattended vehicle (wala sa sasakyan ang driver) na illegal na nakaparada, ang multa ay P2,000 na mula sa dating P500.

Imahe mula sa Facebook page ng MMDa

Binalaan ni Pialago ang mga motorista na maaaring dalawang beses sa isang araw mamultahan ang isang pasaway na driver kaya posibleng mamultahan ng hanggang P4,000 sa isang araw lang.

Sa paglabag naman sa obstruction at yellow bus lane, magiging P1,000 na ang multa mula sa dating P150.

Nilinaw ni PIalago na lahat ng pampublikong kalsada ang nasasakop ng bagong direktiba at hindi kasama ang mga kalsada sa loob ng mga pribadong subdibisyon.

Noon pa sanang Disyembre ng nakaraang taon ang pagpapatupad ng direktiba, subalit ipinagpaliban ito dahil sa kawalan pa ng ticket at sistema sa koleksiyon ng multa at bilang konsiderasyon na rin sa pagdiriwang ng kapaskuhan.

Source 1   Source 2   Source 3