Isang bayan sa Samar ipinagbawal ang paggamit ng mga disposable, plastic utensils

Imahe mula sa Ecotensil

Nakaugalian na ng marami sa atin ang paggamit ng mga disposable na plato, kutsara, tinidor at plastic bottled water sa mga handaan at iba pang okasyon dahil mas kombinyenteng gamitin ang mga iyon. Hindi na sila huhugasan kundi itatapon na lang sa basurahan.

Ngunit sa isang banda, ang nakaugaliang paggamit ng mga disposable utensils ay isa sa mga dahilan ng kontaminasyon ng ating kapaligiran na nais tugunan ng pamahalaan sa pamamagitan ng Republic Act No. 9003 o ang “Ecological Solid Waste Management of 2000.”

Imahe mula s Facebook page ng Pinabacdao

Isa ang bayan ng Pinabacdao sa Samar ang tumugon sa paglilinis ng kapaligiran sa pamamagitan ng isang kautusan na inilabas ng alkalde nito na si Mayor Teodorico Mabag.

Ayon sa ulat ng Manila Bulletin, nilagdaan ni Mayor Mabag ang isang kautusan para sa mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act no. 9003 upang linisin ang buong bayan ng Pinabacdao kabilang na ang mga kabundukan, kagubatan at mga baybayin nito.

Imahe mula sa Ukonserve

Ipinagbabawal ng naturang kautusan ang paggamit ng mga disposable utensils at styro­foam food containers sa lahat ng mga aktibidad ng lokal na pamahalaan gaya ng mga local government-sponsored programs at seminars.

Imahe mula sa Pinabacdao Facebook page

Ayon pa sa order, ang hosts, organizers at caterers ng local government-sponsored activities at events ay inaatasang gumamit ng mga reusable at washable na gawa sa glass, ceramics at stainless steel.

Imahe mula sa Pinabacdao FB page

Ipinagbabawal din ang paggamit ng tubig sa plastic bottles, canned softdrinks at juice in cans.

Nauna nang ipinahayag ni Mayor Mabag na naniniwala siya na ang batas ay makatutulong sa paglalagay ng responsibilidad sa mga tao, subalit sa huli ay nasa bawat indibidwal ang pagsisimula ng pagbabago.