“Ice Boy” nagbago ang buhay isang taon matapos mag-trending sa social media

Imahe mula sa People's China Daily

Nag-trending sa social media noong unang bahagi ng 2018 si Wang Fuman nang kumalat sa internet ang litrato niya na puno ng yelo ang buhok, kilay at pilik-mata dahil sa paglalakad niya ng 4.5 kilometro mula sa kanilang bahay patungong paaralan sa gitna ng napakalamig na temperatura..

Dahil sa litratong kumalat ng binansagang “Ice Boy” ng China na noon ay walong-taong gulang na si Fuman ay napukaw ang atensiyon ng marami sa kalagayan ng mga batang katulad ni Fuman na lugmok sa kahirapan.

Imahe mula sa People’s China Daily

Ngayon, nagbago na ang buhay ni Fuman at ng kanyang ama makalipas ang isang taon – salamat sa mga donasyon at tulong ng pamahalaan.

Mula sa maputik at nasa malayong lugar na tirahan, ngayon ay nakatira na ang mag-ama sa bagong bahay na malapit lang sa kanyang paaralaan.

‘Mas maigi na ang aming buhay,” sabi ni Wang Gangkui, ama ni Fuman.

Aniya, kumpara sa dating maputik na bahay at kalsada, nakatira na sila ngayon sa isang tahanan na nagbibigay ng proteksiyon laban sa malamig na hangin at ulan.

Imahe mula sa People’s China Daily

Ayon sa Shanghaiist, ang milyun-milyong donasyon na ibinigay  sa ngalan ni Fuman ay hindi direktang ibinigay sa kanya kundi sa Yunnan Youth Development Foundation, isang government-run foundation, at  ginamit iyon sa pagpapaayos ng mga paaralan sa kanilang lugar, kabilang na ang pinapasukan niyang Zhuanshanbao Primary School.

Nangako ang foundation na gagamitin ang mga nakalap na donasyon sa pagpapaigi ng buhay ng mga batang katulad ni Fuman.

May heater na ngayon ang paaralan ni Fuman at mayroon na ring dormitoryo na maaaring matirhan ng mga batang nakatira sa malalayong lugar.

Imahe mula sa People’s China Daily

Kuwento ni vice-principal Fu Heng, nasa top 5 ng kanyang klase si Fuman at mahusay siyang makisama sa mga kamag-aral.

Pangarap ni “Ice Boy” – na tinatawag ring “Snowflake Boy”- na maging isang pulis balang-araw kaya ipinasyal siya ng pamahalaan sa Beijing upang bisitahin ang headquarters ng SWAT team. Binisita rin niya ang People’s Public Security University of China – ang nangungunang police academy ng kanilang bansa.

Nang tanungin siya tungkol sa atensiyon na ibinibigay sa kanya ng media, sinabi ng bata na mas gusto niya na tawagin sa tunay na pangalan kaysa sa bansag na “Snowflake Boy.”

Dagdag pa niya, gusto niyang mag-aral nang mabuti upang maging isang ganap na pulis para hulihin ang mga masasamang tao.