Highway sa North Cotabato ‘binaha’ ng beer




Imahe mula sa Facebook account ni Cotabato Vice Governor Shirlyn M. Villanueva

Mistulang bumaha ng serbesa o beer ang isang highway sa North Cotabato matapos mahulog mula sa isang truck ang daan-daang kahon ng serbesa noong Miyerkules, ika-16 ng Enero.

Sa mga larawang ibinahagi ni Cotabato Vice Governor Shirlyn M. Villanueva, makikita ang napakaraming kahon ng beer at mga bubog mula sa mga nabasag na bote. Dakong alas-kuwatro ng hapon nangyari ang insidente.

Imahe mula sa Facebook account ni Cotabato Vice Governor Shirlyn M. Villanueva

“Nasubukan mo na bang lumangoy sa dagat ng beer?” birong post ng bise gobernador sa Facebook account niya.

Dahil hindi makadaan ang kanyang sasakyan sanhi ng mga nagkalat na basag na bote at mga kahon ng beer, nagbiro pa ulit si Villanueva na mas mainam pa na mag-inuman  na lang sila ng beer doon.

“We cannot pass through, it’s better that we start drinking beers here,” aniya.

Imahe mula sa Facebook account ni Cotabato Vice Governor Shirlyn M. Villanueva

Ayon sa ulat ng Philippine News Agency, patungo ang vice governor sa bayan ng Midsayap mula sa Kidapawan City nang madatnan niya ang mga sasakyang hindi makausad at mga taong nagkakalumpunan sa isang truck sa National Highway ng Bagolibas Aleosan North Cotabato. Nakunan niya ng larawan ang insidente at ibinahagi ang mga iyon sa Facebook.

Kuwento naman ng isang residente sa lugar na pinangyarihan ng insidente, nakita niyang naglaglagan ang mga kahon ng serbesa mula sa truck na nanggaling sa Davao City patungong Cotabato City habang binabagtas niyon ang pababang kurbada ng highway.

Imahe mula sa Facebook account ni Cotabato Vice Governor Shirlyn M. Villanueva

Natigil daw ang daloy ng trapiko dahil sa mga basag na bote ng beer. Aniya, sinubukan nilang kunin ang mga beer na hindi nabasag, subalit pinigilan daw sila ng mga pulis na rumesponde sa insidente. Inamin niya na may ilang mga residente ang nakapag-uwi ng mga serbesa.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumilitaw na napigtal ang lubid na nakatali sa palibot ng mga kahon ng beer kaya nalaglag ang mga iyon mula sa truck.

Wala namang naiulat na nasaktan sa pangyayari.

Source :

Facebook, RMN, PNA