Guro na paralisado ang mga paa pursigido sa pagtuturo

Imahe mula sa Facebook account ni Rommel Tuppil Marribay

Maituturing na isang huwarang guro si teacher Jun Daguio dahil sa kabila ng pagiging paralisado ng kanyang mga binti sanhi ng isang uri ng karamdaman ay patuloy niyang pinagsusumikapan na magampanan ang tungkulin na magturo ng mga estudyante sa Cagayan.

Dahil sa ipinapakitang dedikasyon ay nagsisilbi siyang inspirasyon para sa kanyang mga kapwa guro at mga mag-aaral sa Peñablanca East National High School sa Barangay Mangga, Peñablanca sa nabanggit na probinsiya.

Imahe mula sa Facebook account ni Rommel Tuppil Marribay

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, kalbaryo para kay teacher Jun ang pagpunta sa paaralan lalo na kapag katatapos lang ng ulan dahil hindi sementado ang daan patungo roon.

Sa isang larawan na kumalat sa social media na ibinahagi ng kanyang co-teacher na si Rommel Tuppil Marribay noong ika-3 ng Enero, makikita ang ilang estudyante na humihila sa mga lubid na nakatali sa wheelchair ni teacher Jun habang binabagtas nila ang maputik na kalsada.

Imahe mula sa Facebook account ni Rommel Tuppil Marribay

Dalawang daang metro ang haba ng putikang kalsada na kailangang lampasan ng guro upang marating ang paaralan.

Sinabi ng maybahay ni teacher Jun na si Maria Janette Dagiuo na noong 2016 ay nagkaroon ito ng paralysis of extremities kaya walang lakas ang mga paa niya upang makatayo.

Dahil doon ay natigil sa pagtuturo ng isang taon si teacher Jun.

Taong 2017 nang makabalik siya sa pagtuturo, ngunit napilitan silang malayo sa mga anak at manirahan sa dormitoryo sa loob ng paaralan.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Anang mag-asawang guro, tuwing Biyernes na lang sila umuuwi sa kanilang bahay na limang kilometro ang layo sa eskwelahan.

Ayon sa nag-upload ng larawan na si teacher Rommel, naisipan niyang ibahagi ang larawan ni teacher Jun upang una – ay maipaabot sa mga kinauukulan ang kalagayan ng guro, at ikalawa, ang kalagayan ng kalsada patungo sa paaralan na nagdudulot ng kalbaryo sa kanila at sa mga mag-aaral sa tuwing sasapit ang tag-ulan.

Umaasa naman si teacher Jun na may mabubuting-loob na makatutulong sa kanyang patuloy na pagpapagamot.

Ayon sa OIC Principal ng Peñablanca East National High School na si Marisal Quindatan, rekomendado ng division superintendent na mailipat si teacher Jun sa isang mas maayos na paaralan na malapit sa kanilang tahanan.

Makikita sa video na ibinahagi ng TV Patrol ang kalbaryo sa pagpasok ng guro sa paaralan. Nawa’y maipaayos na ang kalsadang putikan kapag tag-ulan.