Grupo ng local chicken growers dismayado sa pagpasok ng maraming imported chicken

Imahe kuha sa ABS-CBN video

Nagpahayag ng pagkadismaya ang grupo ng mga lokal na poultry raisers sa pagdagsa ng imported chicken sa bansa na nagreresulta sa malaki nilang pagkalugi.

Ayon sa ulat ng GMA, sa panayam ng Super Radyo dzBB kay Atty. Jose Inciong, ang presidente ng United Broiler Raisers’ Association, na ang sobrang importasyon ng mga manok ang nagpapahamak sa lokal na industriya ng manok.

Imahe kuha sa video ng GMA

Aniya, marami nang local growers ang nalugi dahil sa pagpasok ng maraming manok mula sa ibang bansa.

“Doon sa importasyon, lalo kaming nasaktan, lalo kaming lumulubog. Simula noong September marami nang nalugi. Noong August may proposal na gawing zero ang tariff ng lahat ng agricultural products. Tinanggal ang special safeguards under WTO (World Trade Organization) na meron ang manok kaya maraming nakapasok na imported,” ani Atty. Inciong.

Reklamo niya, marami na nga ang mga lokal na manok ay nadagdagan pa ito ng mga imported.

Imahe kuha sa video ng GMA

Ayon sa datos ng Department of Agriculture (DA), nasa 18 million kilos ang mga local chicken sa mga cold storage at 16 million kilos naman ang mga imported.

“That would represent over supply. The market could not absorb such volume,” ayon kay DA Secretary Manny Piñol.

Sinabi ng kalihim na kapag may over supply ay nagbababa ng presyo ang mga big players sa industriya na kapahamakan ang dala para sa mga maliliit na local growers.

Ang farm gate price ng manok ay bumagsak na sa P38 kada kilo at nalulugi na ang mga chicken farmers dahil dito, anang kalihim.

Imahe kuha sa video ng GMA

Nakikita ni Sec. Piñol ang posibilidad na magkaroon naman ng kakulangan ng supply ng manok sa 2nd quarter ng taon dahil maraming maliliit na local growers ang umaalis na sa industriya dahil sa pagkalugi.

“Some of the small players might get out of the business. Kapag nalulugi si farmer, aayaw, at kapag umayaw si farmer, magkakaroon na naman ng shortage,” paliwanag ng kalihim.

Kailangan umanong magkaisa ang mga chicken farmers upang maitaas ang farm gate price ng kanilang manok para ma-stabilize ang presyo nito at maiwasan ang kanilang pagkalugi.

“Ang suggestion ko kanina is they all should agree to increase the farm-gate price by at least P10 every week until such time they’re able to reach the level where they will not be losing money. Ang worry ko diyan kapag hindi na-address problem na ito, some small players might get out and in a few months we may have a shortage of chicken,” pahayag ni Sec. Piñol.