Gloria Macapagal-Arroyo nasa Saudi upang humanap ng investors para sa Mindanao




Imahe mula sa Arab News

Pinangunahan ni dating pangulo at ngayon ay House Speaker na si Gloria Macapagal-Arroyo ang ilang delegado na nagtungo sa Saudi Arabia upang maghanap ng mga investors para sa Mindanao.

Ayon sa ulat ng Daily Tribune, orihinal na inimbita ni Dr. Abdullah Bin Mohammed Bin Ibharim Al Sheik, presidente ng Majlis Al Shura o ang Consultative Assembly of Saudi Arabia (katumbas ng House of Representatives ng Pilipinas), si Ginang Arroyo para sa isang official visit.

Imahe mula sa Facebook account ni GMA

Dahil sa kapapasa lang na Bangsamoro Organic Law (BOL), sinamantala na rin ni Mrs. Arroyo ang pagkakataon upang  magsagawa ng investment mission kasama ang ilang mambabatas mula sa Mindanao upang humanap sa Saudi Arabia ng mga posibleng mamumuhunan sa rehiyon.

Ang mga Mindanao congressmen na kasama niya ay sina Mauyag B. Papandayan Jr., Macmod D. Mending Jr., Amihilda J. Sangcopan, Bai Sandra A. Sema, Ruby M. Sahali at Shernee A. Tan.

“The Bangsamoro congressmen are now eager to go to the next step and would try to get investments,” ani Ginang Arroyo sa isang panayam.

Imahe mula sa Facebook account ni Rep. Ruby M. Sahali

“Meron kaming 6 proposal para sa lugar namin sa ARMM. Bawat isa sa amin may dalang proposal , maghahanap ng investment, para magkaroon naman ng business sa ARMM,” ani Lanao del Sur 2nd District Rep. Mauyag Papandayan Jr.

Malaki ang paniniwala ni Arroyo na ang pagkaka-apruba sa BOL ay magdadala ng mga business activities sa Mindanao na tiyak na makatutulong upang maibsan ang kahirapan doon.

Bukod sa pakikipagpulong niya sa kanyang counterpart na si Dr. Abdullah, nakatakda ring bumisita ang kanyang delegasyon sa Council of Saudi Arabia Chamber of Commerce sa Riyadh.

Ibinahagi naman ni Philippine Ambassador to Saudi Arabia Adnan V. Alonto na maraming inaalok na investment ang Saudi Arabia, kabilang na ang seaweed industry sa Tawi-Tawi at Sulu area, cacao plantation sa Basilan at plantasyon ng kape naman sa Cotabato.