Eye injury na tinamo sa laban kay Broner, posibleng ikatapos ng boxing career ni Pacquiao?




Imahe kuha mula sa Showtime Sports video

Nagtamo ng eye injury si Pambansang Kamao Manny Pacquiao sa laban niya kontra kay Adrien Broner sa Las Vegas na posible raw ikatapos ng kanyang boxing career o kaya naman ay mapurnada ang inaasahang rematch nila ni Floyd Mayweather, Jr.

Ayon sa ulat ng Inquirer, pinangangambahan ng ilang insider sa Team Pacquiao na posibleng ikatapos ng boxing career ni Pacquiao ang tinamong eye injury sa kaliwang mata na hinihinalang detached retina.

Imahe kuha mula sa IMO video

Ang detached retina ay isang seryosong problema na maaaring ikabulag kung hindi malulunasan. Kapag ang anumang bahagi ng retina ay umangat o nahila mula sa normal na posisyon ay magdudulot iyon ng paglabo o pagkawala ng paningin.

Itinanggi naman ni Buboy Fernandez, ang chief trainer at best friend ni Pacquiao, na seryoso ang tinamong eye injury ng kaibigan.

Imahe kuha mula sa Showtime Sports video

Aniya, agad na tiningnan ng mga doktor si Pacquiao dahil nakaramdam ito ng pananakit at panlalabo ng mata pagkatapos ng laban nila ni Broner. Matapos ang eksaminasyon ay pinayuhan siya ng mga doktor na ipahinga ng tatlong araw ang mga mata.

“Medyo mahapdi daw talaga pag binukas,” sabi ni Fernandez.

Paliwanag niya, tinamaan ng glove ni Broner ang loob ng kaliwang mata ni Pacquiao at nagalusan ang cornea nito.

“Kailangan lang talaga hindi magalaw nang masyado,” sabi pa ni Fernandez.

Dati nang nagtamo ng corneal scratches si Pacquiao sa mga nauna niyang laban at isa lang iyon na minor injury. Ang usap-usapan na seryoso ang eye injury ni Pacquiao ay nagsimula dahil sa pagsuot niya ng dark eyeglasses sa kanyang post-fight press conference.

Imahe kuha mula sa Showtime Sports video

Sa panayam, kinumpirma ni Pacquiao na nagalusan nga ang kaliwa niyang mata.

“It’s okay, it’s just that my eyes are watering. It’s a scratch to my eyeball. I’ve been through this with the right (eye). Now it’s on the left. There’s no clutter, it’s really a scratch, it’s just a bit of a medicine (needed)… It’s okay, God is good, we just have to rest,” aniya.