Emoterong aso na ‘umiyak’ nang biruin ng amo na papalitan na siya, nakatanggap ng mga regalo at ‘GF’?

Mga imahe mula sa Facebook account ni Ritchie Fabella Carreon

Trending ngayon sa social media ang nakatutuwang aso na mistulang nag-’emote’ nang biruin ito ng kanyang amo na papalitan na siya at ibang aso na lang ang aalagaan.

Sa video na ibinahagi ni Ritchie Fabella Carreon sa Facebook, mistulang apektado at tila ba naiintindihan ng asong si Prince ang mga sinasabi sa kanya ng amo habang nakahiga sila sa isang kama.

Biro ni Ritchie sa kanyang alaga, ayaw na niya rito at papalitan na lang ng isang asong husky. Gusto raw niya ‘yung asong stateside – ‘yun galing sa ibang bansa.

Dahil doon ay ipinagsiksikan ni Prince ang sarili sa amo. Makikitang humilig pa ang aso sa dibdib ng kanyang amo matapos na kunwari ay itinataboy siya ni Ritchie.

I-click ang imahe para mapanood ang video

“Gusto ko ng magandang aso. Ayoko na sa ’yo. Talaga! ‘Yung maganda, ‘yung husky. Gusto ko ‘yung malaking-malaking husky tsaka iba ‘yung mata. Gusto ko ‘yung stateside. Oo, galing ibang bansa. Talaga kukuha ako. Ayoko na sa ‘yo. Talaga, ayoko na talaga sa ‘yo. Dun ka na. ayoko na,” sabi ni Ritchie habang pabirong tinabig si Prince.

Sa puntong iyon ay maririnig na tila ‘humihikbi’ ang aso at isiniksik nito ang ulo sa dibdib ni Ritchie, na patuloy sa pagbibiro.

“Oo, gusto ko ‘yung kumikinang ‘yung mata n’ya ‘pag gabi tsaka matalino. Gusto ko ‘yun. Oo, ayoko na. Hahanap ako ng iba,” sabi pa ni Ritchie.

Nang sabihin ng amo na madali lang naman makahanap ng iba ay lalong ipinagsiksikan ni Prince ang sarili sa amo.

Sa bandang huli, tinanong ni Ritchie kung ayaw ba ni Prince na palitan siya ng iba.

“Ayaw mo? Ikaw lang talaga?” tanong ni Ritchie na sinundan pa ng pagkanta ng “Ang baby love, baby love, baby love.”

Marami ang natuwa sa aso kaya hindi nakapagtataka na umabot na sa mahigit 53,000 ang komento sa video nila.

Imahe mula sa Facebook account ni Ritchie Fabella Carreon

Mahigit 7.2 million na rin ang views ng video at ilang daang libo na ang nagbahagi nito.

Ayon sa iba pang FB posts ni Ritchie, may mga nagpadala ng mga regalo kay Prince at tila may nagbigay rin ng “girlfriend” o playmate dito — si Bailey. Hindi naman kaya magseselos si Prince kay Bailey?