1-year-old Japanese baby ginawang modelo ng sikat na shampoo brand

Imahe mula sa Instagram account ni Baby Chanco

May bagong advertising campaign ang Pantene Japan at tampok dito ang isang one-year-old Japanese baby na may napakakapal na buhok.

Unang napukaw ni Baby Chanco ang puso ng mga netizens noong anim na buwang gulang pa lang siya — nang ibahagi ng kanyang inang si Mami Kano sa social media ang mga larawan niya  na nagpapakita ng kanyang makapal na buhok.

Imahe mula sa Instagram account ni Baby Chanco

Sa ngayon, mayroon nang 356,000 followers si Baby Chanco sa sarili niyang Instagram account na tinawag na “hair diary.”

Ayon sa Smart Parenting, naitampok sa isang artikulo ng People’s Magazine noong nakaraang taon si Baby Chanco dahil sa makapal niyang buhok.

Sinabi ni Mami Kano sa People na nasorpresa siya sa mga reaksiyon ng mga tao sa larawan ni Baby Chanco, ngunit proud naman daw siya sa mga papuring ibinibigay para sa anak.

Imahe mula sa Instagram account ni Baby Chanco

“I’m so surprised with the reaction, but also very proud of the praise from many countries,” sabi ni Kano sa People.

Sa artikulo ng People, sinabi na dapat magkaroon ng sariling Pantene advertisement si Baby Chanco dahil sa buhok niya.

Sinang-ayunan naman agad iyon ni Alex Keith, President ng  Global Hair Care & Beauty Sector sa P&G (Procter & Gamble), manufacturer ng Pantene, nang mabasa niya ang artikulo.

Imahe mula sa Instagram account ni Baby Chanco

Sinabi ni Yoshiaki Okura, P&G Japan Hair Care Associate Brand Director, sa People ang dahilan kung bakit nila kinuha ang bata bilang modelo ng Pantene shampoo.

“We went straight to her mother because Chanco’s personality and special character matches our image for women we want to support. We feel Chanco’s beautiful hair has strong power that makes people positively move forward. And we also support her mother’s positiveness to post wonderful moments with Chanco,” ani Okura.

Imahe mula sa Instagram account ng Pantene Japan

Nitong ika-7 ng Enero ay lumabas sa telebisyon ang unang Pantene advertisement ni Baby Chanco kasama ang Japanese TV announcer na si Sato Kondo na hinahangaan sa Japan dahil sa elegante niyang buhok na may mga puting uban.

Bumida rin si Baby Chanco sa sarili niyang digital movie na pinamagatang “The Hairy Tale” at si Sato Kondo ang narrator niyon.