Sangkatutak na basura, iniwan ng mga park goers sa Luneta Park sa pagdiriwang ng Pasko




Mga larawan mula sa Philippine Star at GMA Network

Isa sa mga kapintasan ng ilang mga Pilipino ang kawalan ng disiplina, lalo na sa wastong pagtatapon ng mga basura.

Pinatunayan iyan ng mga larawan kung saan makikita ang sangkaterbang basurang iniwan ng mga park goers na piniling ipagdiwang ang Pasko sa Rizal Park na mas kilala bilang Luneta noong Disyembre 25, 2018. Karamihan sa mga makikitang kalat ay mga plastik na pinaglagyan ng mga pagkain, mga gift wrappers, at bottled water. Halos 12 trak ng basura ang kinailangang gamitin upang tuluyang mapanumbalik ang kalinisan ng naturang parke, ayon kay Task Force Manila Cleanup Head Che Borromeo.

Mga larawan mula sa Philippine Star at GMA Network

Sinimulang linisin ng mga street sweepers ang Rizal Park noong Miyerkules ng umaga, matapos ang pagdiriwang ng Pasko. Ayon sa tala ng Manila Police District Tactical Operations Center, tinatayang umabot sa 12,000 katao ang nagtungo sa Luneta Park noong Martes upang ipagdiwang ang Pasko.

Samantala, nadismaya naman ang Eco Waste Coalition, ang environment watchdog ng Department of Tourism, sa ipinamalas na kapabayaan at kawalang-disiplina ng mga iresponsableng park goers sa pagtatapon ng kanilang mga basura. Nanawagan sila sa publiko na hangga’t maaari ay panatilihing malinis ang Rizal Park, at ang iba pang mga pook pasyalan upang mapangalagaan ang kapaligiran, bukod pa sa paggalang sa mga susunod pang mamamasyal sa mga ito.

“We would like to remind everyone that preserving our country’s destinations is also the duty of its citizens. Let us be responsible tourists by throwing our trash in the proper trash bins. While we continue our efforts to maintain the quality of our tourist sites, we look forward to your cooperation this coming New Year celebration,” ayon sa pamunuan ng Eco Waste Coalition.

“Kailan ba tayo magbabago? Ang pagkakalat ay isang masamang ugali na sumasalamin sa ating kawalang respeto at pagmamalasakit kay Inang Kalikasan at sa ating kapwa,” dagdag pa nito.

Nagpaalala rin ang alkalde ng Maynila na si Joseph Estrada na maging responsable ang lahat sa pagtatapon ng kanilang mga kalat, lalo na’t inaasahan na namang dadagsa ang mga park goers sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Samantala, isang environmentalist/mountaineer naman ang nagpahayag ng kanyang saloobin hinggil sa naturang isyu sa kanyang Facebook account noong Disyembre 26, 2018.

Ayon sa concerned netizen, ang iresponsableng pagkakalat sa Rizal Park ay hindi lamang kawalang–paggalang sa alaala ng ating pambansang bayani, kundi maging sa kalikasan at pagka–Pilipino.

Source 1 Source 2 Source 3