PNP-HPG tumanggap ng 50 BMW motorcycles na donasyon mula sa San Miguel Corp




Imahe mula sa Cathrine Gonzales/CNN Twitter account

Nagbigay ng donasyon ang San Miguel Corporation (SMC) ng 50 units na BMW motorcycles sa Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) nitong Disyembre 28.

Ayon sa ulat ng Inquirer, ang donasyon na ito ng SMC ay mula sa kanilang president na si Ramon Ang.

Sinabi ni PNP-HPG director Roberto Fajardo na hindi niya tinanong kung magkano  ang halaga ng mga ibinigay na donasyong motorsiklo ngunit ang  mga high-class G 310 R motorcycles ay tinatayang nasa P12.5 million; kung saan ang bawat isa ay nagkakahalaga ng P250,000 batay sa website ng BMW motorcycles.

Imahe mula sa Cathrine Gonzales Twitter account

Wika ni Fajardo, ito ang unang pagkakataon na tumanggap ang PNP-HPG ng mga high-class motorcycles bilang donasyon.

“First time in the sense na BMW ito. Kasi siguro mga 50 years ago pa ‘yung last time na nagkaroon ng BMW ang PNP. We are very thankful for the SMC through Ramon S. Ang for his generosity,” ani Fajardo.

Saad pa ni Fajardo, “big boost” ang donasyong mga motorsiklo sa kanilang operasyon sa EDSA kung saan ito’y ginagamit ng mga highway patrollers.

Sinabi pa nito na malaking tulong din ang mga motorsiklo sa kaligatasan at seguridad sa mga kalsada sa EDSA lalo na’t kulang ang PNP-HPG ng mga motorcycle units.

Nakipag-ugnayan na rin sila sa San Miguel Corporation at BMW kaugnay sa maintenance ng mga donasyong motorsiklo.

Imahe mula sa CNN Twitter account

Ang turnover ceremony ay ginanap sa Transformation Oval sa Camp Crame. Ito’y pinangunahan nina Spencer Yu, pangulo ng SMCADC; Kin Lichauco, vice president  for corporate affairs of San Miguel Foundation; at Ana Neri at Cheska Garcia, marketing division head and marketing associate ng Petron Corporation.

Ilan sa mga dumalong opisyal ay mula BMW Owners Society of Safe Riders (BOSS), sa pangunguna ni Lito Flores at mga miyembro ng HPG Advisory Council na naging intrumento sa implimentasyon ng proyekto.

Kasamang tumanggap ni Fajardo ng mga motorsiklo si PNP chief Director General Oscar Albayalde.

Source 1    Source 2   Source 3