Pilipinas kursunadang bumili ng combat helicopter mula sa Turkey

Napipisil ng technical working group (TWG) ng Philippine Air Force Attack Helicopter Acquisition Project ang mga combat helicopters na gawa sa bansang Turkey.

Ayon sa ulat ng Philstar, batay umano sa report ng The Diplomat, ang T129 multi-role Combat Helicopter na gawa ng Turkish Aerospace Industries (TAI) ang napili ng TWG ng Philippine Air Force na ipalit sa mga lumang MD Helicopters na ginagamit ng 15th Strike Wing simula pa noong 1990.

Imahe mula kay MilborneOne

Nauna nang kinumpirma ni Lt. Gen. Galileo Gerard Kintanar, ang commanding general ng Philippine Air Force, na napipisil nga ng TWG ang T129 ATAK combat helicopter at inirekomenda na nito ang pagbili ng mga nasabing helicopter sa Department of National Defense (DND).

Ang DND na umano ang makikipagnegosasyon sa TAI sa isang posibleng government-to-government deal sa pagitan ng Pilipinas at Turkey.

Imahe mula kay MilborneOne

Sinasabing ang TAI ang ipinalit ng pamahalaan sa naunsyaming kasunduan sa pagbili ng helicopter sa Canada.

Matatandaang ipinakansela ni Pangulong Rodrigo Duterte noong buwan ng Pebrero ang kontrata sa pagbili ng 16 na helicopter sa Canada dahil sa  diumano ay mga kondisyones na ikinakabit sa nasabing kontrata.