Oportunidad na makapag-export ng itlog sa Singapore nasilip ni Agriculture Sec. Piñol




Imahe mula sa Livestrong

Nakasilip ng isang magandang oportunidad para sa mga egg producers ng bansa si Secretary Manny Piñol ng Department of Agriculture.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ng Kalihim na isang follower niya sa social media ang nagbigay sa kanya ng link sa isang foreign news na nagsasabing naghahanap ng mga alternatibong sources ng itlog ang Singapore.

Imahe mula sa AVA

Ayon kay Sec. Piñol, ang Malaysia na siyang traditional supplier ng mga itlog sa Singapore ay nag-anunsiyo na lilimitahan o tuluyan nang ititigil ang pag-export nila ng mga itlog upang magkaroon ng sapat na supply ang local demand sa kanilang domestic market.

Seventy-three percent ng supply ng itlog sa Singapore ay nanggagaling sa Malaysia, samantalang halos 27 percent ay mula sa local farms at wala pang one percent ang imported mula sa mga bansang Thailand, Japan, Australia, at New Zealand.

Dahil sa anunsiyo ng Malaysia, sinabi ng Agri-Food & Veterinary Authority ng Singapore na may mga alternative sources sila ng mga itlog.

Imahe mula sa Facebook account ni Secretary Manny Piñol

Agad na naisip ni Sec. Piñol na puwedeng mag-export ng itlog ang Pilipinas sa Singapore lalo na’t nagrereklamo ang mga local egg producers sa bansa ng mababang presyo dahil sa oversupply.

Agad inatasan ng kalihim ang International Affairs Division ng Department of Agriculture na ayusin ang isang meeting sa pagitan niya at Singapore Ambassador to the Philippines, Ms. Kok Li Peng, sa susunod na linggo o kaya naman ay bago matapos ang taon.

Balak rin ni Sec. Piñol  na mapag-usapan nila ang hindi natuloy na pag-export sa Singapore ng karne ng baboy,  dressed chicken at iba pang agricultural products gaya ng mga gulay mula sa Bukidnon.