OFW, nanalo ng P1 milyon bilang UAE’s Best Nanny ng 2018




Imahe mula sa Rise

Isang Pinay na nagtatrabaho sa Dubai bilang isang nanny ang nagwagi ng halagang isang milyong piso matapos siyang mahirang bilang UAE ‘s (United Arab Emirates) Best Nanny of 2018.

Sa 42 nannies na kandidato sa nasabing award, ang 39-anyos na si Rosie Vargas Villa ang nahirang ngayong taon bilang pinakamagaling na yaya dahil sa kanyang dedikasyon sa pag-aalaga ng mga anak ng kanyang employers na mag-a-anim na taon na niyang pinagsisilbihan.

Imahe kuha sa video ng Rise

Ayon sa Khaleej Times, sa kabuuan ay 17 years na itong nagtatrabaho bilang nanny sa Dubai at nanilbihan sa iba’t ibang employers.

Sinorpresa ng awarding committee mula sa Rise, isang fintech company na nagpasimula ng pagbibigay ng awards sa mga nanny sa Dubai, si Rosie nang bisitahin nila ang Pinay sa bahay ng kanyang employers.

Hindi napigilan ni Rosie ang mapaluha nang tanggapin niya ang award na UAE’s Best Nanny ng 2018 at isang milyong piso.

Imahe kuha sa video ng Rise

Nang tanungin siya kung ano ang plano niyang gawin sa napanalunang isang milyong piso, sinabi ng Pinay na tamang-tamang ang pagdating ng premyo dahil ang kaisa-isa niyang anak na babae na ngayon ay 17 years old na ay magkokolehiyo na sa susunod na school year. Gagamitin niya ang bahagi ng isang milyon sa edukasyon ng anak.

Babayaran din ni Rosie ang mga utang niya sa Pilipinas at balak niyang magpatayo ng sariling bahay kung saan maaari na silang magsamang mag-ina. Ani, Rosie, babawi siya sa mga panahon na hindi niya nakapiling ang anak.

Kahit sapat na raw sa kanya ang premyong natanggap para mag-retiro siya, sinabi ni Rosie na patuloy siyang magsisilbi sa employer hangga’t kaya ng kanyang kalusugan dahil napakabait umano ng mga iyon sa kanya.

Noong nakaraang taon, isang Pinay din – si Melanie Manansala – ang tinanghal na UAE’s Best Nanny.

Source 1   Source 2