Mga employers na hindi magbibigay ng 13th month pay pagmumultahin ng DOLE

Nagbabala si Secretary Silvestre Bello III ng Department of Labor and Employment na papatawan ng kaukulang multa ang mga employers na hindi magbibigay ng 13th month pay sa kanilang mga empleyado.

Maaari rin umanong ipasara ang kumpanya ng employer na lalabag sa “Thirteenth Month Pay Law.”

Imahe kuha mula sa video ng ABS-CBN

Ang pagbibigay ng 13th month pay ay hindi dapat lalampas sa ika-24 ng Disyembre kaya naman hinikayat ni Sec. Bello ang mga employers na ibigay na iyon sa mga kawani upang makaiwas sa multa.

“‘Pag matigas ang ulo kung minsan pinapasara natin. Inutusan natin na bayaran ‘yung penalty eh matigas ang ulo, wala nang ibang paraan kundi ipasara ‘yung negosyo,” ayon kay Sec. Bello.

Dagdag pa ng kalihim, walang exempted sa pagbibigay ng 13th month pay. Aniya, maging ang mga amo ng mga kasambahay ay dapat magbayad nito.

Imahe mula sa ALU-TUCP

Ayon sa ulat ng Manila Times, nanawagan rin ang Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) sa mga employers na ipagkaloob ang 13th month pay bago dumating ang ika-24 ng Disyembre o sa mismong araw na iyon dahil paglabag na umano sa batas kapag lampas na sa naturang petsa.

Nilinaw ni ALU-TUCP spokesman Alan Tanjusay ang kaibahan ng 13th month pay at Christmas bonus. May mga employers daw na dinadaya ang kanilang mga trabahador at binibigyan ng bigas at grocery items bilang 13th month pay at bonus.

Ani Tanjusay, ang 13th month pay ay mandatory, samantalang ang Christmas bonus ay discretionary o hindi sapilitan.