Kuyang namigay ng libreng taho sa kanyang mga suki, kinaantigan ng puso ng mga netizen




Mga larawan mula sa Facebook post ni Anita Lescano Beato

Sa pagsapit at pagdiriwang ng Pasko sa Pilipinas, hindi mawawala ang simbolo ni Santa Claus.

Well, hindi na kailangan pang lumayo kung nais makakita ng “Santa Claus” sa katauhan ng isang tipikal na Pilipino: hindi mataba, walang mahaba at puting bigote, hindi nakapula, at walang reindeers. Tulad na lamang ng nasaksihan ng netizen na si Anita Lescano Beato, isang ginang na nabagbag ang damdamin sa ipinakitang kabutihan ng puso ng isang magtatahong namimigay ng libreng taho sa kanyang mga suki ilang araw lamang bago ang Pasko. Ang taho ay isa sa mga tipikal na hinahanap-hanap sa umaga ng mga bata o maging ng mga nakatatanda.

Ayon sa Facebook post ni Anita noong Disyembre 23, 2018, hindi alintana ni Kuyang magtataho ang ulan makapagbigay lamang ng libreng taho sa kanyang mga suki bilang simpleng pamasko sa mga taong tumatangkilik at bumibili sa kanyang paninda. Sa simpleng paraang ito ay naipakita ng magtataho ang kanyang pasasalamat sa kanyang mga suki. Sabi nga ng netizen, “Simpleng tao pero may puso.”

“Si kuyang magtataho akala ko naglalako kahit na umuulan. Namigay lang pala ng ng taho para pamasko sa mga suki nya… Talagang nagpakahirap siya kahit na umuulan para lang mabigyan ng pamaskong taho ang mga tao. Merry Chistmas kuya… GOD BLESS YOU… #SIMPLENGTAOPEROMAYPUSO”

Imahe mula sa Facebook post ni Anita Lescano Beato

Sa update post ni Anita, lubos siyang nagpasalamat sa mga taong nag–like at nag–share ng kanyang post tungkol sa magtataho, at marami umano ang nagpaabot ng tulong dito.

Imahe mula sa Facebook post ni Anita Lescano Beato

Marami sa mga netizens ang humanga at nagpaabot ng magagandang komento kay “Santa–ho” sa comment section ng post.

“God Bless you, kuya!”

“Ang cute at nakakatuwa naman. Sana all!”

“Salute to you Kuya more benta and blessings to come.”

Umabot na sa mahigit 73,000 likes, 11,000 comments, at 55,000 shares ang naturang post.

Ipagpatuloy mo lamang iyan, Kuya! Ang mga katulad mo ang magandang ehemplo.

Source