Good News: Bigtime rollback na naman sa presyo ng gasolina, diesel at LPG

Magandang balita na naman para sa mga motorista at sambahayan matapos mag-anunsyo ang mga oil companies ng muling pagtapyas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Ngayong Sabado, ika-1 ng Disyembre, ay nagtapyas ang Petron sa presyo ng kanilang liquefied petroleum gas (LPG) na Gasul at Fiesta Gas ng P6.40 kada kilo. Ibababa rin nito ang kanilang AutoLPG ng P3.50 kada litro.

Imahe mula sa The Economic Times

Ibinaba naman ng Eastern Petroleum ang EC Gas LPG nila ng P5 kada kilo noong Biyernes, ika-30 ng Nobyembre, samantalang ang Solane brand ng Isla LPG ay tinapyasan ng P6.36 kada kilo.

Ayon sa GMA, ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene ay inaaasahang mababawasan  naman ng humigit-kumulang P2 kada litro. Ang ikawalong linggong sunud-sunod na tapyas-presyo na ito ay ipatutupad umano sa Martes, ika-4 ng Disyembre.

Imahe kuha sa video ng UNTV

Sinabi ng Department of Energy (DOE) na ang ilan sa mga dahilan sa patuloy na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo ay ang pagkabahala sa US-China trade war at ang pagdami ng pandaigdigang produksyon ng langis.

Ayon pa sa DOE ang commercial crude oil stock ng Estados Unidos ay nadagdagan ng 3.6 million barrels.