DPWH binuksan ang pinalapad, pinatibay na Otis Bridge nang mas maaga sa schedule

Muling binuksan sa mga motorista ang makasaysayang Otis Bridge sa kahabaan ng P.M. Guazon Street, sa Paco, Maynila nitong Martes, ika-4 ng Disyembre.

Pinangunahan ni Secretary Mark Villar ng Department of Public Works and highways ang re-opening ceremony sa nasabing tulay, na ayon sa ulat ng Philippine Information Agency ay limang buwang kinumpuni matapos iyong mag-“partial collapse” noong June 2018.

Imahe mula sa DPWH

Ang pagkumpleto sa pagkumpuni ng tulay ay nakatakda sanang matapos sa Pebrero pa ng susunod na taon, subalit ang nais ni Sec. Villar ay tapusin ang proyekto bago matapos ang taon. At iyon nga ang nasunod.

Wika ng kalihim, ang pagbubukas ng Otis Bridge ay pamaskong handog niya sa mga motorista sa naturang lugar.

Imahe mula sa Facebook account ni Sec. Mark Villar

Ayon pa kay Sec. Villar, ang Otis Bridge ay mas malapad na ngayon. May six lanes na iyon mula sa dating four lanes lang. Mas pinatibay din ang nasabing tulay mula sa sa dating 15 toneladang maximum allowable weight, at ngayon ay 20 tonelada na kaya mas maraming sasakyan ang kaya nitong dalhin.

Sa ngayon, ani Sec. Villar, ay mga light vehicles muna ang maaaring dumaan sa tulay. Kung kailan papayagang dumaan sa tulay ang mga malalaking truck ay i-aanunsyo umano ng DPWH sa mga susunod na araw.