Cooking oil mabisang panlaban sa mapaminsalang storm surge — Mrs. U candidate Ria Persad

Isang mabisang panlaban sa daluyong ng dagat o storm surge ang cooking oil, ayon sa isang kandidata ng Mrs. Universe.

Ang storm surge ay ang hindi pangkaraniwang pagtaas ng tubig sa dalampasigan habang papalapit ang bagyo sa baybayin. Matinding panganib ang dala nito sa mga komunidad malapit sa mga baybaying dagat dahil kaya nitong tangayin ang anumang madaraanan at nagdudulot ng malawakang pagbaha.

Imahe mula sa Facebook account ni Ria Persad

Sa panayam sa kanya ng Manila Bulletin, sinabi ni Ria Persad, ang kinatawan ng Trinidad at Tobago sa Mrs. Universe 2018 beauty pageant na gaganapin sa Cebu City sa ika-8 ng Disyembre, na napatunayan na ang bisa ng cooking oil laban sa storm surge mahigit isandaang taon na, subalit kakaunti pa lang umano ang nakakaalam niyon.

Paglalahad ng 44-gulang na Mrs. Universe candidate,  isang propesor umano mula sa Harvard ang gumawa noon. Nagtungo raw ito sa isang malaking lawa na may matataas na alon at nagpatak ng isang kutsarang cooking oil. Kumalma ang malalaking alon matapos malagyan ng mantika ang lawa.

Ayon pa kay Persad, na isang astrophysicist at mathematician, nagtungo siya sa Siargao, ang surfing capital ng Pilipinas dahil sa pamoso nitong Cloud-9 surfing wave, dala ang isang balde ng mantika. Pinatakan niya umano ng mantika ang isa sa pinakamalaking surf wave doon at agad na kumalma ang malaking alon.

Imahe mula sa Kawayan Siargao Resort

May permiso umano siya sa Department of Science and Technology, Department of Agriculture at iba pang ahensya ng pamahalaan para sa kanyang ginawa.

Aniya, 80% ng pinsalang dulot ng bagyo ay mula sa storm surge. Payo niya, bago dumating ang daluyong ng dagat ay dapat mag-spray ng cooking oil sa katubigan upang hindi tumaas ang alon nang sa ganoon ay maraming buhay anag maililigtas.

Nai-prisinta na niya umano sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang kanyang scientific research at nagpakita naman daw ng suporta ang naturang ahensya.

Bukod sa pagkabighani sa siyensya, si Ria Persad ay mahilig din sa arts at music mula pa noong paslit pa siya. Nakapagsagawa na siya ng piano concerts sa Italya at sa New York City.