Bong Revilla, hindi babayaran ang P124.5 milyon na inutos ng Sandiganbayan na ibalik sa gobyerno




Imahe mula sa Facebook page ni Ramon "Bong" Revilla Jr.

Walang balak si dating senador Bong Revilla na bayaran ang P124.5 milyon na ayon sa Sandiganbayan ay dapat niyang isauli sa pamahalaan matapos niyang maabswelto sa kasong pandarambong o plunder.

Ayon sa Manila Bulletin, sa isang press conference na ginanap sa opisina ng kanyang abogado isang linggo matapos siyang mapawalang-sala, mariin niyang sinabi na hindi niya babayaran ang sinasabi ng anti-graft court na civil liabilities niya at ng kanyang mga kapwa akusado na nagkakahalaga ng P124.5 milyon.

Imahe mula sa Facebook page ni Ramon “Bong” Revilla Jr.

“Ano ang isosoli ko? Wala naman akong kasalanan, nagsalita na ang korte na wala akong kasalanan,” ani Revilla.

Sinegundahan naman siya ng kanyang abogadong si Estelito Mendoza na tila sinasabing politically-motivated ang mga paratang laban sa kanyang kliyente.

“I believe Revilla is innocent. The Ombudsman, under Conchita Carpio Morales, para bang trigger-happy mag-file ng plunder dahil no bail, bilanggo kaagad,” ani Mendoza.

Imahe mula sa Facebook page ni Ramon “Bong” Revilla Jr.

Dahil sa kasong plunder ay apat na taon na napiit si Revilla sa Philippine National Police Custodial Center sa Camp Crame. Inakusahan siya na nagbulsa ng kickback na nagkakahalaga ng P224.5 milyon mula sa kanyang Priority Development Assistance Fund na ginamit daw sa mga ghost projects.

Ngayong nakalaya na siya, abala si Revilla sa muli niyang pagbabalik sa Senado. Kung sakaling mananalo siya sa midterm elections sa susunod na taon, isa sa mga gagawin niya umanong batas ay ang maparusahan ang mga “false accusers” tulad ng mga tao na nasa likod ng kanyang pagkakakulong.

Imahe mula sa Facebook page ni Ramon “Bong” Revilla Jr.

Hindi na pinangalanan ni Revilla ang mga tinutukoy na tao na ayon sa kanya ay patuloy na gumagalaw laban sa kanya hanggang ngayon.

“Kumbaga, they really want to hang me. Hanggang ngayon gumagalaw sila. Kung may pamilya kayo, maniwala kayo sa karma, babalik din ‘yan sa inyo. Talagang nararamdaman ko sila. Maging maligaya na lang tayo sa kapaskuhang ito,” wika ni Revilla na ibinalita rin ang balak na pagbabalik sa showbiz na tinawag niyang “bread and butter” niya.

“Yun ang source of income ko talaga, hindi ‘yung pagiging senador,” pagtatapos ni Revilla.