ALAMIN: Mga Kapamilya star na posibleng gumanap bilang Miss Universe Catriona Gray sa MMK




Simula nang masungkit ang korona at maibalik sa Pilipinas ang titulong “Miss Universe”, talaga namang talk of the town si Catriona Gray. Kahit saang sulok man ng bansa ay talaga namang napukaw ni Catriona ang atensyon at interes ng mga kababayan, lalo’t maraming humanga sa kanyang kagandahan, katalinuhan, at karismang ipinamalas sa preliminary at final rounds ng Miss Universe na ginanap noong Disyembre 17, 2018 sa Bangkok, Thailand.

Halos lahat ng mga detalye sa buhay ng ikaapat na Miss Universe ng Pilipinas ay patuloy na sinusubaybayan ng mga tagahanga at tagasuporta; simula sa kanyang Ibong Adarna at Mayon Volcano–inspired evening gown na nilikha ng Kapampangang designer na si Mak Tumang, ang kanyang “lava walk” na lalong nagpalagablab sa kanyang performance, ang kanyang “slow-mo twirl” sa catwalk, at ang ginamit niyang “ear cuff” na nagtatampok sa silahis ng araw sa bandila ng Pilipinas.

Mga larawan mula sa Instagram account ni Catriona Gray

Bukod sa mga bagay na ito, gaya ni Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach, hindi rin naging madali ang naging paglalakbay ni Catriona patungo sa pinakarurok ng kanyang tagumpay sa larangan ng beauty pageant. Minsan na rin siyang nagtangkang sungkitin ang korona sa Miss World, subalit sabi nga ng marami, hindi laan sa kanya ang mundo dahil para sa kanya ang buong kalawakan matapos tanghaling Miss Universe.

Marami tuloy ang nag–aabang sa posibleng pagtatampok sa buhay ni Catriona sa longest–running at award–winning drama anthology na Maalaala Mo Kaya sa ABS–CBN Kapamilya Network, dahil minsan na ring nailahad ang talambuhay ni Pia Wurtzbach sa pagganap ni Liza Soberano.

Ang tanong ng marami, sino nga bang artista ang may kakayahang gumanap bilang Catriona sa MMK?

Bago pa man sumalang si Catriona sa entablado ng Miss Universe, inihayag na niya sa panayam ng ABS–CBN’s PUSH o Philippine’s Ultimate Showbiz Hub noong Hulyo 2018 na ang Kapamilya star na napupusuan niyang gumanap sa kanyang sarili ay walang iba kundi ang “Pinoy Big Brother Lucky 7” Big Winner na si Maymay Entrata. Hati ang naging saloobin ng mga netizen sa pagpili ni Catriona kay Maymay; may mga sumang–ayon at may mga nagtaas ng kilay hinggil dito, bagay na ipinagtanggol naman ni Catriona.

“She’s kind of a goofball, a little bit like me,” paliwanag ni Catriona.

Mga larawan mula sa Instagram account ni Maymay Entrata

Si Maymay Entrata ay gumagawa ng sariling pangalan sa industriya ng showbiz at modelling. Siya ang kauna–unahang Filipinang rumampa sa Arab Fashion Week sa Dubai noong Nobyembre 21, 2018 tampok ang mga creations ng Filipino designer na si Furne One.

Marami naman sa mga netizenS ang nagbanggit ng mga Kapamilya actress na napipisil nilang gumanap na  Catriona sa MMK. Nangunguna sa listahan sina Liza Soberano, Anne Curtis, at Angel Locsin. May mga nagsasabi ring walang iba kundi si Pia Wurtzbach dahil halos magkasintangkad sila at parehong beauty queens.

Mga larawan mula sa Instagram accounts nina Liza Soberano, Anne Curtis, Angel Locsin at Pia Wurtzbach

Samantala, may mga nakapuna ring may pagkakahawig si Catriona kay Isabel Oli, 37-anyos, na asawa ng aktor na si John Prats.

Mga larawan mula sa Instagram accounts nina Catriona Gray at Isabel Oli

Sino nga ba ang karapat–dapat na gumanap bilang Catriona? Abangan!