Tangke ng Philippine Marines at kotse nagkabanggaan sa EDSA

Nagkaroon ng mahigit isang oras na pagbagal ng daloy ng trapiko sa southbound lane ng EDSA Biyernes ng gabi, ika-23 ng Nobyembre, matapos magkabanggaan ang isang kotse at tangke ng Philippine Marines.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, kabilang ang tangke sa 11-vehicle convoy ng Philippine Marines na pabalik na sa Fort Bonifacio mula sa Capas, Tarlac nang maganap ang insidente pasado alas-7 ng gabi malapit sa LRT Muñoz Station sa EDSA.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Nagtamo ng malaking pinsala ang kotse matapos mabangga at kaladkarin ng tangke. Basag ang kaliwang rear light at halos matanggal ang bumper nito sa likuran.

Pahayag ng drayber ng tangke, bigla umanong sumingit ang kotse sa kanyang harapan kaya niya ito natamaan. Pinabulaanan naman iyon ng drayber ng kotse. Aniya, iniiwasan nga niyang makasabay ang convoy pero bigla siyang sinagi at saka kinaladkad ng tangke.

Napag-alaman na ang nagmamaneho ng kotse, na masuwerteng hindi nasaktan sa pangyayari, ay isang operator ng transport network vehicle service (TNVS). Hiniling umano nito na huwag siyang pangalanan.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Matapos ang ginawang imbestigasyon sa insidente ay hinayaan nang tumuloy sa Fort Bonifacio ang convoy ng Philippine Marines. Nakatakda umanong muling magkita upang mag-usap ang Marines at ang TNVS operator hinggil sa insidente.