Serbisyo ni Freddie Roach muling kukunin ni Pacquiao para sa laban kay Broner

Matapos ang isang laban ni fighting senator Manny Pacquaio na hindi kasama si Freddie Roach, kinumpirma ng pambansang kamao na muli niyang kukunin ang serbisyo ng Hall of Famer American boxing trainer.

Ayon sa Bombo Radyo, ibinunyag ni Pacquiao nitong Lunes, ika-19 ng Nobyembre, na magsasanib puwersa si Roach at si Buboy Fernandez sa training niya para sa nalalapit na pagdepensa sa kanyang titulo laban kay Adrien Broner.

Imahe mula sa Give Me Sport

Matatandaang hindi kinuha ni Pacquiao bilang trainer si Roach noong laban niya kay Lucas Matthysse noong nakaraang buwan ng Hulyo. Tanging ang kababata niyang si Fernandez ang tumayong trainer niya sa nasabing laban.

Nilinaw ni Pacquiao na si Fernandez ang mangagasiwa sa pisikal na aspeto ng kanyang training at si Roach naman ang magsisilbing strategist na magbibigay ng payo at instruksyon kay Fernandez hinggil sa training.

Imahe mula sa Boxing News Online

Nais umano ni Pacquiao na hindi mapagod si Roach dahil inaalala niya ang kalagayan nito dahil sa inindang Parkinson’s Disease.

Malaki ang kumpiyansa ni Pacquiao sa kombinasyon ni Roach at Fernandez para sa napipinto niyang title defense.

Gaganapin ang boxing match sa ika-19 ng Enero 2019 sa MGM Grand Garden Arena sa Las Vegas sa Amerika.