PNP-HPG may crackdown laban sa mga motoristang gumagamit ng plate number 8

Naglunsad ang Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) ng crackdown laban sa mga motoristang gumagamit ng protocol plate number 8. Ang nasabing plate number ay nakalaan para sa mga congressman.

Ayon sa Philippine News Agency, inatas ni HPG Director Chief Superintendent Roberto Fajardo ang nasabing crackdown kasunod ng order ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo sa mga kongresista na i-surrender na ang kanilang mga protocol plate number 8.

Imahe mula sa Facebook page ng PNP-HPG

“Nag-issue na ako sa lahat ng ating chiefs nationwide na mag-conduct ng crackdown sa plaka na 8 at mabuti nga naman na ang ating Congress nag-issue na rin na i-surrender na ang ganitong plaka. Tutulungan namin ang Congress na hanapin ‘yung mga plaka and we will crack down on plate number 8,” pahayag ni Fajardo.

“I-check na rin natin basta hindi original na plaka na issued ng LTO (Land Transportation Office) like ‘yung mga commemorative plates baka kasi hindi na valid mga ‘yun,” dagdag pa ng hepe ng HPG.

Ang direktiba ni Fajardo at ni Arroyo ay bunsod ng insidenteng kinasangkutan ng isang motoristang kinilalang si Jojo Valerio na nanuntok ng kapwa motorista dahil sa alitan sa kalsada. Gamit ni Valerio ang isang sports utility vehicle (SUV) na may plakang numero 8.

Imahe kuha sa video ni Master Epong

Ayon kay Fajardo, natunton  na nila ang SUV ni Valerio ngunit iba na raw ang kulay niyon at may mga car accessories na idinagdag.

Pinayuhan ni Fajardo ang mga tauhan niya na nakadestino sa pagmamando ng trapiko na huwag mag-alinlangan na pahintuin o parahin ang sasakyang may plate number 8.