Pinoy actor na sikat na sikat sa Indonesia, inihalintulad ang sarili kay Ryan Bang

Taong 2011 nang pumasok sa local showbiz si Teejay Marquez. Nakailang pelikula at teleserye na rin sa GMA At ABS-CBN si Teejay pero noong 2016 isang malaking oportunidad ang nagbukas sa kanya nang naging big hit sa mga kabataan sa Indonesia ang mga dubsmash video niya.

Dahil sa pagiging viral ng mga nasabing video, naimbitahan si Teejay na gumawa ng mga proyekto sa Indonesia.

Imahe mula sa Instagram account ni Teejay Marquez

Nakasama si Teejay bilang isa sa mga bida sa “Siapa Takut Jatuh Cinta” [Who’s Afraid To Fall In Love?].  Ang teleseryeng ito ang Indonesian version ng Taiwanese drama na “Meteor Garden.” Matatandaang kinabaliwan ng maraming Pilipino ang Tagalized version ng Meteor Garden noong early 2000s.

Ikinuwento ni Teejay ang naging karanasan niya sa “Siapa Takut Jatuh Cinta” nang kapanayamin siya ng Push kamakailan lang.

Imahe mula sa Instagram account ni Teejay Marquez

Sa tanong kung marunong na ba siyang magsalita ng Bahasa, ang opisyal na lenguwahe ng Indonesia, sinabi ni Teejay na bagaman bihasa na siya sa nasabing wika ay natatawa sa kanya ang mga Indonesian dahil sa accent niya kaya naihalintulad niya ang sarili kay Ryan Bang.

Isang Koreano si Ryan Bang na sumikat sa Philippine showbiz nang maging runner up winner siya sa Pinoy Big Brother Teen Clash of 2010. Kinagiliwan ng mga Pilipino si Ryan dahil sa nakatutuwa niyang accent kapag nagsasalita ng Tagalog.

“Parang Ryan Bang ako doon. Diretso na ako magsalita pero ’yung accent, they find it funny kaya parang kahit anong sabihin ko natatawa sila! Comedian ba ako? Sige na nga!” ani Teejay.

Imahe mula sa Instagram account ni Teejay Marquez

Kuwento pa ni Teejay, walong buwan umere  sa Indonesia ang “Siapa Takut Jatuh Cinta.” Natapos iyon noong nakaraang buwan.

Sa kasalukuyan ay nasa bansa si Teejay at nagsasanay para sa Blue Ant Extreme Spartan Race na gaganapin sa ika-2 ng Disyembre sa Iskandar Puteri, Johor Baru sa Malaysia bilang isa sa mga representatives ng Pilipinas.